Sa huling araw ng COC filing ay naghain ng kandidatura sina dating Manila Mayor Francisco ‘Isko’ Moreno at Chi Atienza upang lumahok sa National and Local Election 2025. Crismon Heramis
MANILA, Philippines – HINIMOK ni dating Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang publiko partikular na ang mga Manilenyo na suportahan ang buong tiket ng “Yorme’s Choice” sa darating na halalan upang matiyak na madali niyang maisasakatuparan ang mga inilatag nito na mga plataporma.
Ayon kay Domagoso, mahalaga na may makatulong siya sa pagsasa-ayos ng Maynila sa oras na muli siyang mailuklok bilang alkalde ng lungsod dahil madali niyang magagawa kapag kasama niya sa City Hall si Chi Atienza na kanyang bise alkalde, ang anim na kongresista, at mga konsehal na kasama sa kanilang tiket.
Kasabay nito ay nagpahatid ng pakikidalamhati si Domagoso sa buong Simbahang Katoliko sa pagpanaw ng Mahal na Santo Papa.
“Sama-sama po nating ipanalangin ang kaluluwa ni Pope Francis. Nawa’y isabuhay natin ang kanyang panawagan na pairalin lagi sa ating mga puso’t isip ang pagmamahal at pagkakaisa sa mundo. Paalam at maraming salamat po Lolo Kiko sa pagpapaalab ng aming pananampalataya,” pahayag ni Domagoso sa kanyang social media page.
Kaugnay nito, sa kanilang patuloy na pag-iikot sa bawat sulok ng kabisera ng bansa, kasama ang ka-tandem na si Chi Atienza, naging mainit pa rin ang pagsalubong sa kanya ng mga residente na hindi inalintana ang nararamdamang init ng panahon para sumalubong at kumamay sa dating alkalde.
Sa kabila ng mga patutsada ng mga kalaban, mahinahon pa ring nakikiusap si Domagoso sa kanyang mga tagasuporta at sa buong Manilenyo na huwag makikipag-away.
“Hayaan na natin silang manira nang manira. Ang lagi kong paalala, huwag kayong papatol at makikipag-away. Hayaan na lang natin na ang taumbayan ang humusga sa Mayo,” pahayag ni Domagoso.
“Basta ako, I trust you, mga Batang Maynila; panatag ako na alam ninyo ang tunay na nangyari sa ating lungsod,” dagdag pa ni Yorme. JR Reyes