MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa P3.26 bilyong halaga ng mga nakumpiskang ipinagbabawal na vape products ang sinira ng Bureau of Customs (BOC) bilang bahagi ng kampanya na labanan ang smuggling at protektahan ang kalusugan ng publiko.
Sa isang pahayag, sinabi ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio na sinimulan ng BOC ang malawakang pagkondena noong Abril 7, 2025, kasunod ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-target ang hindi awtorisado at hindi ligtas na mga vape items.
Nabatid sa BOC na isinagawa ang pagsira sa RCU Waste Collection Services sa Marilao at Barba Waste Management sa Bocaue, na kapwa matatagpuan sa Bulacan.
Napag-alaman sa BOC na nasa mahigit isang milyong produkto na ng vape ang kanilang nasira na itinuring na hindi angkop para sa pampublikong paggamit o kulang sa tamang clearance.
Ang Auction and Cargo Disposal Division, Enforcement and Security Service, at Customs Intelligence and Investigation Service ay nangangasiwa sa mga operasyong ito, na may suporta mula sa Philippine Army at Coast Guard na nagbibigay ng seguridad.
Sinabi ni Rubio na ang inisyatiba na ito ay naaayon sa Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act, na nag-uutos sa pagsira ng mga ipinagbabawal na produkto, at Republic Act No. 11900, na nagre-regulate ng mga produktong vape.
Sinabi ni Rubio na nananatiling matatag ang kanilang pasya na itigil ang smuggling.