Home NATIONWIDE Isyu sa solar power business ni Rep. Leviste, tatalakayin na sa Kamara

Isyu sa solar power business ni Rep. Leviste, tatalakayin na sa Kamara

242
0

MANILA, Philippines – Diringgin na ng House Committee on Legislative Franchises ang umano’y isyu kaugnay sa prangkisa ng solar power business ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa Enero 26, kasabay ng pagbabalik-sesyon ng Kongreso.

Sinabi ni Committee Chair Rep. Jeffrey Ferrer na tatalakayin ang usapin sa ilalim ng “other matters” sa hearing. Binigyang-diin niya na dapat sundin ang tamang proseso, kabilang ang paghain ng resolusyon o privilege speech bago i-refer sa komite.

“Gusto ko rin maimbestigahan. So that the people will know, the public will know what happened,” ani Ferrer. Dagdag pa niya, kung may matukoy na paglabag, puwede suriin ng komite ang parusa o kanselahin ang prangkisa.

Maaaring kailanganing dumalo si Leviste bilang may-ari o kinatawan ng kumpanya.

Ayon kay Deputy Minority Leader Rep. Antonio Tinio, bahagi ito ng oversight function ng Kongreso sa mga programang renewable energy ng gobyerno, kabilang ang prangkisa at mga insentibo gaya ng feed-in tariffs.

Tinanggap ni Leviste ang hearing at sinabi, “That’s good news. I look forward to expose what I know to any committee of Congress that would give me the opportunity to do so.”

Kasunod ito ng pag-aanunsyo ng Department of Energy (DOE) ng humigit-kumulang P24 bilyong multa sa Solar Philippines, na itinatag ni Leviste, dahil sa kabiguang maihatid ang mahigit 11,000 megawatts ng renewable energy contracts sa nakaraang dalawang taon.

Ayon kay DOE Secretary Sharon Garin, kasama sa multa ang performance funds, gastos ng proyekto, at iba pang obligasyong kontraktwal. Binalaan rin ng DOE na higit 1,300 MW ng renewable energy na naka-assign sa Solar Philippines ay maaaring ibigay sa ibang kumpanya kung hindi matutugunan ang deadlines.

Iniimbestigahan din ng Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang umano’y walang pahintulot na paglilipat at pagbebenta ng solar energy franchise ni Leviste. Samantala, itinanggi ng Meralco PowerGen Corp. ang pagbili ng shares mula sa Solar Para sa Bayan Corp., na may 25-taong prangkisa mula sa Kongreso. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here