NAGTAGUMPAY ang defending champion Italy sa kanilang unang laro sa FIVB Volleyball Men’s World Championship matapos talunin ang Algeria sa straight sets, 25-13, 25-22, 25-17.
Sa unang laban pa lang, ipinakita na agad ng mga Italyano ang kanilang lakas bilang world No. 2 team.
Pinangunahan ni Ale Michieletto ang koponan sa pamamagitan ng 15 puntos mula sa 11 attacks, dalawang block, at dalawang service ace.
Malaki rin ang naiambag ni Mattia Bottolo na nakapagtala ng 13 puntos, habang si Yuri Romano ay umambag ng 11 markers.
Bagama’t No. 88 lamang sa world rankings, muntik nang makaisa ang Algeria matapos magtala ng 21-17 na kalamangan sa second set.
Ngunit mabilis itong nabura nang magsagawa ang Italy ng 8-1 run upang maagaw ang set.
Ayon kay Italy head coach Ferdinando de Giorgi, mahalaga ang panalo lalo na’t laging puno ng nerbiyos ang unang laro sa world championship.
Samantala, ilang sorpresa na agad ang naganap sa torneo. Tinalo ng Egypt (ranked 23) ang Iran (ranked 12) sa iskor na 25-17, 16-25, 25-23, 25-20.
Nagawa ring makalusot ng Argentina laban sa Finland matapos makumpleto ang kauna-unahang reverse sweep sa torneo, 19-25, 18-25, 25-22, 25-22, 15-11.GP