Magdadala ng maulap na kalangitan at kalat-kalat na pag-ulan sa katimugang bahagi ng Mindanao ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa Huwebes, habang maaapektuhan naman ng easterlies ang natitirang bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA.
Aasahan ang mga pag-ulan at pagkulog-pagkidlat sa Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, Davao Occidental, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi na maaaring magdulot ng pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan. Maaaring makaranas din ng mga panaka-nakang thunderstorm ang nalalabing bahagi ng Mindanao.
Samantala, ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ay makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan at panaka-nakang pag-ulan dulot ng easterlies, na may posibilidad ng pagbaha sa panahon ng matitinding thunderstorm.
“Pinapayuhan ang publiko, lalo na sa mga lugar na madaling bahain, na manatiling alerto at mag-ingat,” ayon sa PAGASA.
Katamtaman hanggang mahina ang inaasahang ihip ng hangin sa Visayas at Mindanao mula silangan hanggang hilagang-silangan, habang sa silangang bahagi ng Luzon ay mula silangan hanggang timog-silangan. Mananatiling banayad hanggang katamtaman ang karagatan. RNT