Home NATIONWIDE Jakarta nalubog sa malawakang baha; libong residente inilikas

Jakarta nalubog sa malawakang baha; libong residente inilikas

JAKARTA — Libu-libong residente ang inilikas sa kabisera ng Indonesia na Jakarta nitong Martes matapos malubog sa baha ang rehiyon, ayon sa mga opisyal, habang inaasahan ang patuloy na pag-ulan hanggang sa susunod na linggo.

Bunsod ng malakas na pag-ulan mula Lunes, umabot sa tatlong metro ang taas ng baha sa ilang bahagi ng Jakarta at kalapit na lugar, na nagdulot ng pagsasara ng ilang kalsada at paglubog ng mahigit 1,000 kabahayan at sasakyan, ayon sa disaster agency ng bansa.

Itinaas ni Jakarta Governor Pramono Anung ang alert level sa pangalawang pinakamataas na antas at inatasan ang lokal na pamahalaan na paganahin ang mga water pump upang maalis ang tubig baha at magsagawa ng weather modification operations, tulad ng pagbaril ng salt flares sa ulap upang mapabilis ang pag-ulan bago ito makarating sa lupa.

Sa lungsod ng Bekasi, binaha rin ang isang ospital kung saan napilitang ilikas ang mga pasyente sa ibang gusali matapos pasukin ng tubig ang ilang ward at mawalan ng kuryente ang ilang bahagi ng ospital.

Gamit ang rubber boats, nagsagawa ng rescue operations ang mga awtoridad upang ilikas ang mga residenteng na-trap sa baha mula pa noong alas-4 ng umaga.

Ayon sa weather agency ng bansa, patuloy na makakaranas ng malakas na pag-ulan ang Jakarta at mga karatig-lungsod hanggang Marso 11. Sinabi ng pinuno ng ahensya na si Dwikorita Karnawati na umaasa silang makakatulong ang weather modification upang mabawasan ang pag-ulan.

Samantala, nagsimula na ang pamahalaan sa pagtatayo ng pansamantalang tirahan at pamamahagi ng pagkain, damit, at gamot para sa mga lumikas, ayon kay Social Affairs Minister Saifullah Yusuf. Inilikas din ang ilang residente sa mga paaralan, mosque, at simbahan.

Ang Greater Jakarta, na tinitirhan ng mahigit 30 milyong tao, ay regular na binabaha. Ayon sa lokal na media, ang kasalukuyang sitwasyon, lalo na sa Bekasi, ang pinakamatindi mula noong 2020, kung kailan 60 katao ang nasawi dahil sa baha matapos ang pinakamalakas na pag-ulan na naitala simula pa noong 1866. RNT