MANILA, Philippines — Nanawagan ang Office of Civil Defense (OCD) sa mas pinaigting na paghahanda kasabay ng pagtaas ng temperatura dulot ng humihinang northeast monsoon o “amihan”.
Ayon kay OCD administrator at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) executive director Undersecretary Ariel Nepomuceno, inaasahang magdudulot ng mas mainit at maalinsangang panahon ang paglipat sa easterly winds, na tatagal mula kalagitnaan ng Marso hanggang katapusan ng Mayo.
Binigyang-diin ni Nepomuceno ang panganib na dulot ng mataas na heat index, tulad ng heat exhaustion at heat stroke, kaya mahalagang magpatupad ng mga hakbang para mapanatili ang kaligtasan ng publiko. Hinikayat niya ang mga ahensya at lokal na disaster risk reduction and management councils na maghanda ng protective gear at sapat na suplay ng gamot para sa mga emergency.
Nagbigay rin ang NDRRMC ng ilang payo para maiwasan ang sakit na dulot ng matinding init: bawasan ang oras sa labas, uminom ng maraming tubig, iwasan ang tsaa, kape, soft drinks, at alak, gumamit ng payong, sumbrero, at damit na may manggas, at gawin ang mabibigat na gawain sa umaga o hapon kung kailan mas malamig.
Inatasan din ni Nepomuceno ang mga regional directors ng OCD na makipag-ugnayan sa national at local agencies para masubaybayan ang kalagayan ng kanilang mga nasasakupan at tiyaking handa ang response vehicles at medical supplies sakaling may emergency.
Pinaalalahanan din ang publiko na makiisa sa kampanya ng Department of Health sa pag-iwas sa heat-related illnesses sa pamamagitan ng regular na pag-inom ng tubig, pag-iwas sa matagalang pagbabad sa araw, at paggamit ng proteksyon tulad ng sumbrero at sunscreen.
Tiniyak ng OCD na handa itong magbigay ng agarang tulong sakaling magkaroon ng seryosong komplikasyong dulot ng matinding init, ngunit mahalaga ang pag-iingat upang maiwasan ang panganib ng mataas na temperatura. Santi Celario