MANILA, Philippines- Dumating na sa Palasyo ng Malakanyang si Japanese Prime Minister Shigeru Ishiba para makapulong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Mainit na tinanggap ng First Couple ang Japanese leader at asawa nito na si Yoshiko Ishiba, sa loob ng Malakanyang dahil sa malakas na ulan.
Ang mga opisyal ng Pilipinas na kasama ng Pangulo na mainit na tumanggap kina Prime Minister Shigeru Ishiba ay sina Executive Secretary Lucas Bersamin, Presidential Communications Office Secretary Jaybee Ruiz, National Security Adviser Eduardo Año, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, Tourism Secretary Christina Frasco, Transportation Secretary Vince Dizon, Public Works and Highways Secretary Manny Bonoan, Environment Secretary Ma. Antonia Yulo-Loyzaga, Finance Secretary Ralph Recto, Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, at Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan.
Dumating sa Maynila ang Prime Minister ng alas-12:48 ng hapon. Bago pa magpunta sa Malakanyang ay nag-alay muna ng wreath o korona ang Prime Minister sa Monumento ni Rizal sa Rizal Park.
Nauna rito, sinabi ni Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya na ang bilateral meeting ng dalawang lider ay may kinalaman sa usapin na may kaugnayan sa national security cooperation at maritime law enforcement.
Inaasahan namang tatalakayin ng mga ito ang landmark Reciprocal Access Agreement, naglalayong palakasin at paigtingin ang defense cooperation sa pagitan ng Maynila at Tokyo sa gitna ng tumataas na tensiyon sa South China Sea.
Matatandaang tinintahan nina Japanese Foreign Minister Yoko Kamikawa at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. ang kasunduan noong July 2024, pinahihintulutan ang mas maraming Japanese forces na sumali sa taunang military exercises na kinasasangkutan ng Pilipinas at Estados Unidos, kabilang na ang “Balikatan” exercises.
Idagdag pa rito, sinabi ni Kazuya na pag-uusapan din ang mga usapin sa kalakalan nina Pangulong Marcos at Ishiba habang ibinabahagi ng dalawang bansa ang kahalagahan na palakasin ang global economy. Kris Jose