Home TOP STORIES Sandovals inireklamo sa Comelec sa ‘Good Friday’ campaign

Sandovals inireklamo sa Comelec sa ‘Good Friday’ campaign

KINASUHAN sa Commission on Elections (Comelec) ang mag-asawang sina Malabon City Mayor Jeannie Sandoval at dating kongresista Ricky Sandoval dahil sa umano’y pamamahagi ng campaign materials sa kalagitnaan ng prusisyon noong Biyernes Santo sa Barangay Dampalit, Malabon.

Batay sa reklamong inihain ng isang residente at taxpayer na si Darren David sa tanggapan ng Comelec sa Intramuros, Maynila, inirereklamo ang mag-asawa dahil umano sa pamimigay ng mga campaign leaflets habang ginaganap ang prusisyon noong Abril 18, kasabay ng paggunita ng Biyernes Santo.

Ayon sa reklamo, ang naturang aktibidad ay maituturing umanong paglabag sa Section 5(b) ng Republic Act No. 7166 at Comelec Resolution No. 11086, na nagbabawal sa anumang uri ng pangangampanya tuwing Semana Santa, partikular sa Maundy Thursday at Good Friday.

Si Mayor Jeannie Sandoval ay naghahangad ng muling pagkakaluklok bilang alkalde ng lungsod, samantalang si G. Ricky Sandoval ay tumatakbo bilang kinatawan ng lungsod sa Kongreso.

Sa kanyang reklamo, hiniling ni David na maimbestigahan at aksyunan ng Comelec ang insidente. Bahagi umano ito ng pagpapakita na lahat ng kandidato ay kailangang sumunod sa batas, anuman ang katungkulan o posisyon nila sa lipunan. RNT