MANILA, Philippines – MARIING itinanggi ni Presidential Communications Office Acting Secretary Jay Ruiz na papalitan na siya bilang PCO chief.
Itinatwa ni Ruiz ang balitang iiwanan na niya ang communications arm ng administrasyong Marcos at ang impormasyon na ililipat siya sa Presidential Action Center.
Sa katunayan ani Ruiz ay patuloy niyang pangungunahan ang communications agency.
”I’m serving at the pleasure of the President,” aniya pa rin.
Matatandaang, kinumpirma ni Executive Secretary Lucas Bersamin na muling itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Ruiz bilang acting Secretary ng PCO.
Aniya, ibinaba ng Pangulo ang reappointment paper ni Ruiz matapos na ma-bypass ang huli ng Commission on Appointment, kasunod ng sine die adjournment.
Una nang sinabi ni Ruiz na inatasan sya ni Pangulong Marcos na ipagpatuloy lang ang kanyang trabaho sa PCO.
Si Jay Ruiz ang pang -apat na PCO Chief sa ilalim ng administrasyong Marcos. Kris Jose