Home OPINION JEANIE VS JAYE: MAY THE BEST WOMAN WIN! 

JEANIE VS JAYE: MAY THE BEST WOMAN WIN! 

MINUS three-term Mayor Antolin ‘Lenlen’ Oreta lll na naghain na ng  Certificate of Candidacy para kongresista, nabawasan na sa dalawa ang magkatunggali  sa mayoral race sa Malabon City.

Paglalabanan ng dalawang incumbents – Mayor Jeanie Sandoval at Representative Jaye Lacson – Noel ang pagka-alkalde ng Malabon sa May 2025 midterm elections.

Kung sino sa dalawang ‘J’ ang magwawagi ay  nakadepende sa mga kilos, maniobra at estratehiya na gagawin ng magkabilang kampo sa susunod na pitong buwan bago ang araw ng halalan.

Sa pulitika, ang kampihan ay kalakaran kaya sa lokal ay unang tinatarget, nililigawan ang barangay leaders dahil sa paniwalang nakapagdedeliver o malaking source ng boto ang mga ito.

Sa aspetong ito ay nakakalamang si Sandoval na tangan ang mayorya o 60% ng chairman ng 21 barangays at ang tsismis ay nakatakdang lumipat sa kanyang bakuran ang ilan pang kapitan.

Sa kasagsagan ng pananahimik ng mga Oreta matapos ang 2022 election ay naging maingay ang paglipat ng mga kapitan kay Lacson pero kabaliktaran ngayon na walang balita sa kampo ng kongresista.

Sa kabilang dako ay hindi humihinto si Sandoval sa pag-ikot, kundi may dalang offering kina lolo’t lola at namimigay ng ayuda ay dumadalo, nadarama ang presensya sa iba’t ibang  pagtitipon.

Byword o word of mouth ang pangalan ng lady city executive lalo na sa mga holder ng MalabonAhon card na sa himig ng kanilang pananalita ay ‘hulog ng langit’ sa kanila ang mayora.

Hindi natin alam kung ilang libo na ang holder ng MalabonAhon card, pero kung totoo ang kumakalat na aabot na sa mahigit kumulang 30,000 Malabonians ang mayroon nito, aba’y ‘di dapat pakaang-kaang ang Lacson camp.

Sa uri ng pulitika sa bansa na ang pera ay ‘Pinapanginoon’, malaki na ang 5% sa 100% na MalabonAhon holder ang maghuhudas na kukunin ang  laman ng card pero ang karamihan ay  tumataginting na boto para kay Sandoval.

Pero teka lang…’di dapat maging kampante ang mayora dahil kapag kalinisan na ang usapan ay napapailing ang mga kababayan sa ‘di nalulutas na problema ng basura sa lungsod.

Wala akong kinikilingan kina Jeanie at Jaye dahil yan ang obserbasyon ‘di lang ng Chokepoint kundi ng Malabonians o Malabueños kung anoman ang gusto n’yong itawag sa mga taga-Malabon.

Malayo pa naman ang election day kaya kung anong diskarte ang  gagawin ng magkatunggaling kampo ay sila lang ang nakakaalam. Para sa inyong lingkod, “May the best woman win.”