Home HOME BANNER STORY July 1 INC rally may permit na; 100,000 kalahok, inaasahan

July 1 INC rally may permit na; 100,000 kalahok, inaasahan

1
0

MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Quezon City Department of Public Order and Safety (DPOS) ang kahilingan ni Iglesia ni Cristo (INC) Minister Eraño Codera na magsagawa ng mapayapang rally sa White Plains Avenue at Temple Drive sa Quezon City sa Hulyo 1.

Batay sa permit na ibinahagi ng Quezon City Police District (QCPD), gaganapin ang pagtitipon mula alas-8 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi at inaasahang dadaluhan ng humigit-kumulang 100,000 katao.

Nakasaad sa permit na “no objection” ang DPOS sa aktibidad basta’t mahigpit na susundin ng mga organizer ang mga alituntunin ng lungsod, kabilang ang pagbabawal sa ganap na pagsasara ng mga kalsada, pagpapanatili ng kalinisan at kaayusan, at agarang paglilinis ng lugar matapos ang pagtitipon. Maaari rin itong bawiin o kanselahin sakaling magkaroon ng emergency, kung kinakailangan para sa kapakanan ng publiko, o kung lalabag ang mga organizer sa mga itinakdang kondisyon.

Pinaalalahanan din ng mga awtoridad na dapat lamang isagawa ang rally sa aprubadong oras at lugar, at ang pagdaraos nito sa ibang lokasyon ay maaaring lumabag sa Public Assembly Act of 1985 o Batas Pambansa Blg. 880.

Inatasan din ang mga organizer na tiyaking hindi maaantala ang mga hakbang sa seguridad at ang daloy ng trapiko batay sa pagtatasa ng QCPD at Metropolitan Manila Development Authority.

Inisyu ang permit isang araw matapos magsagawa ang mga miyembro ng INC ng “emergency rally” malapit sa People Power Monument sa Quezon City na nagdulot ng matinding pagsisikip ng trapiko. Ayon sa mga opisyal ng Quezon City, isinagawa ang naturang pagtitipon noong Hunyo 30 nang walang permit.

“Biglaan lahat. Hindi naman kami prepared na magkaka-rally. Katatapos lang ng malaking event namin diyan sa People Power Monument noong Sunday at matahimik naman. Nagulat na lang kami kaninang madaling-araw na nagsimula na ‘yung mobilization,” ayon kay Quezon City Public Order and Safety Department head Elmo San Diego.

Sinabi ng QC DPOS na nagsagawa na ito ng coordination meeting sa INC at nilagdaan ng dalawang panig ang isang memorandum of understanding na naglalaman ng mga alituntuning dapat sundin sa rally sa Miyerkules.

Samantala, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na iginagalang nito ang karapatan sa mapayapang pagtitipon habang tinitiyak ang kaligtasan ng mga kalahok, motorista at publiko.

Nakikipag-ugnayan din umano ito sa mga organizer at gagamit ng mapayapa at naaayon sa batas na paraan upang hikayatin ang maayos na pagwawakas ng pagtitipon matapos ang itinakdang oras, alinsunod sa polisiya nitong “maximum tolerance.” Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here