MANILA, Philippines – Nanindigan ang Commission on Elections (Comelec) na hindi palalawigin ang June 11 deadline para sa paghahain ng Statements of Contributions and Expenditures (SOCEs) ng mga kandidato sa May 12 midterm elections.
Giit ni Comelec Chairman George Garcia na ang deadline ng paghahain ng SOCE ay matagal nang inanunsyo.
Babala ni Garcia, kailangang harapin ang mga kahihinatnan ng hindi pag-file ng SOCE.
Ang pagsusumite ng SOCE ay tinatanggap sa mga karaniwang araw at Sabado, kasama ang mga pista opisyal, mula 8 ng umaga hanggang 5 ng hapon sa Comelec — Political Finance and Affairs Department sa Intramuros, Manila.
Ang lahat ng SOCE ay dapat ihain sa itinakdang bilang ng mga hard copy na may kasamang soft/electronic copy (PDF at Excel format).
Hindi pinapayagan at hindi tumatanggap ang Comelec ng paghahain ng SOCE sa pamamagitan ng registered mail, electronic mail, courier, o messenger services.
Nagbabala ang Comelec sa sinumang kandidatong bigong magsumite ng SOCE na hindi papayagang maupo sa puwesto at maaaring maharap din sa kasong administratibo.
Sa kabilang banda, ang mga kandidatong nakasunod ay bibigyan ng Certificate of Formal Compliance, na dapat nilang isumite sa pag-upo sa puwesto. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)