Home NATIONWIDE Justice panel sa paglaki ng yaman ni VP Sara pero walang cash...

Justice panel sa paglaki ng yaman ni VP Sara pero walang cash declaration sa SALN: Eh ‘di wow!

84
0

MANILA, Philippines – Naging sentro ng pagdinig ng House Committee on Justice ang umano’y hindi tugmang datos sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte, matapos mapansin ng mga mambabatas ang patuloy na pagtaas ng kanyang net worth kahit wala siyang dineklarang cash o bank deposits sa loob ng ilang taon.

Sa gitna ng impeachment proceeding ay napa-react si Manila Rep. Joel Chua ng “E di wow” matapos kumpirmahin ng Office of the Ombudsman na mula 2019 hanggang 2024 ay wala umanong nakasaad na cash on hand o bank deposits sa SALN ng Bise Presidente, kahit patuloy ang paglaki ng kanyang yaman.

Ayon kay Ombudsman Central Records Division OIC Karen Batu, base sa mga isinumiteng SALN, may dineklarang cash si Duterte mula 2007 hanggang 2018, ngunit wala na mula 2019 hanggang 2024.

“Based on the submitted SALNs, Your Honor, wala pong nakalagay na cash on hand or bank deposits,” ani Batu.

Sa datos na inilahad, tumaas ang net worth ni Duterte mula P34.89 milyon noong 2016 hanggang P88.51 milyon noong 2024. Sa kabila nito, napansin ng komite na wala nang naitalang liquid assets sa mga huling taon.

“Sa madaling salita, ‘yung kanya pong cash na dineclare was only from 2007 up to 2018. Tama po ba?” tanong ni Chua.

“Based on our received copies of the SALN, Your Honor, yun pong lumalabas na years na mayroon po siyang declared cash on hand and bank deposits,” tugon ni Batu.

Binigyang-diin ng ilang miyembro ng komite na ang ganitong pattern ay maaaring magdulot ng pagdududa sa pagiging kumpleto at tama ng SALN ng Bise Presidente, na mahalaga sa pagdetermina ng probable cause sa impeachment case.

“Para sa akin po, ang biglaan at tuloy-tuloy na pagkawala ng deklarasyon ng liquid assets… sa kabila ng dati mayroon naman na mga halaga ng mga cash on hand/cash in bank, ay nagdudulot ng pagdududa sa kawastuhan at kabuuan ng subsequent SALNs ni VP Sara,” pahayag ni ML Party-list Rep. Leila de Lima.

Ibinigay ng Ombudsman sa komite ang mga opisyal na kopya ng SALN ni Duterte mula 2007 hanggang 2012 at mula 2016 hanggang 2024. Ayon sa komite, umabot sa P53.6 milyon ang itinaas ng kanyang net worth sa loob ng walong taon mula 2016.

Dumalo rin sa pagdinig ang mga kinatawan mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Securities and Exchange Commission (SEC), at Anti-Money Laundering Council (AMLC), pati na si dating Senador Antonio Trillanes IV, upang magbigay ng karagdagang financial at corporate records para maikumpara sa mga deklarasyon sa SALN.

Patuloy ang pagsusuri ng komite sa mga dokumento bilang bahagi ng pagdetermina kung may sapat na batayan para sa impeachment trial kaugnay ng reklamong unexplained wealth ni Duterte. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here