Home ENTERTAINMENT K, panalo sa kaso laban sa contractor!

K, panalo sa kaso laban sa contractor!

Manila, Philippines – Sa wakas, nakamit din ng singer-comedienne na si K Brosas ang hustisya sa mahigit tatlong taon nitong court case laban sa dating house contractor na nag-abandona sa ipinapagawang bahay ng singer-comedienne.

Tukoy ni K ang mahigit-kumulang PHP7 milyon na halagang pinag-usapan nila ng kontraktor para maipatayo ang kanyang dream house pero di natupad.

Matatandaang noong September 2021, sa isang panayam ay sinabi ni K na nalulungkot lang siya dahil malaking pera na ang nabigay niya sa contractor at kung tutuusin ay nakumpleto na niya ang pambayad sa kontraktor na hindi tumupad sa kanilang kasunduan.

Kaya nagampa si K ng kaso sa korte noong September 10, 2021, at lumabas naman ang desisyon ng korte nitong February 13, 2025.

Sa kanyang Instagram nitong nagdaang araw, ani K, itinuturing niya itong “one great Valentine’s gift” para sa kanya at sa lahat ng mga “naloko.”

“Convicted (but not yet final), finally,” kasunod nitong post.
Dagdag niya, “Ilang taong paghihintay at pagpapasensya na may halong stress at anxiety, pero mabait ang Panginoon. Nanaig ang katotohanan.

“Hindi ako matatakot at mapapagod ipaglaban kung ano ang tama.

“Sa lahat ng mga nagdasal (kasama na rin ang mga hindi naniwala), mahal na mahal ko kayo.
“This is one great Valentine’s gift! Panalo ito ng lahat ng mga naloko! lablablab!!!!”

Noong September 2021 ay ibinahagi ni K sa kanyang social media ang kalbaryo niya sa ipinapagawang bahay.

Kuwento ni K, “Ilang taon na po ang nakakaraan ng may kinontrata ako para gawin ang aking bahay dahil sa kagustuhan kong umiwas sa malaking babayarin sa pag-upa ng townhouse at condominium unit.

“Isipin nyo nga naman, sa ilang taong pag-aartista ko, ngayon pa lang ako nagpapagawa ng sariling bahay.

“Maiintidihan nyo naman siguro ako na pinaghirapan ko yung pera na galing sa dugo, pawis at kakulangan ng tulog. Wala, e, kelangan nating mangarap.”

May mga tao din siyang nilapitan pero di tumugon sa kanya.

“Ilang beses akong nakiusap, umiyak at humingi ng tulong, pero wala pa ring nangyari.

“Alam lahat ng kaibigan ko kung ilang beses na akong nag-breakdown at napadalas uli ang anxiety attacks ko dahil sa sobrang stress.

“Masaya ako lagi sa trabaho ko pero lingid sa kaalaman ng iba pag hindi nakaharap sa camera, grabe ang bigat at depression ko dahil sa pangarap kong bahay na para rin sa anak ko..”

Kaya naman todo-pasalamat si K sa kanyang mga abogado na tumulong sa kanya na makamit ang hustisya.

“Salamat Sales and Valderrama Law Office, lalo na kay Atty. Charlotte!

“Today, justice prevailed. Thank you, Lord!” masaya niyang mensahe. Ador Saluta