Hinamon nina senatorial aspirant Leody De Guzman at Luke Espiritu ang mga kandidato ng administrasyon at pro-Duterte na lumahok sa debate at ilahad ang kanilang mga plataporma.
Binatikos ni De Guzman ang kampanyang nakasentro sa aliwan sa halip na seryosong talakayan sa mga isyu ng bansa.
Nanawagan siya sa mga kandidato na ipresenta ang kanilang pagsusuri at solusyon upang matulungan ang taumbayan sa tamang pagpili.
“Hindi naman dahil sa parang kami ay matalino o magaling, o alam namin ang lahat, hindi naman sa ganoon. Ang purpose namin magkaroon talaga ng diskusyon, hindi pwedeng sayaw-sayaw lang, hindi pwedeng budots lang, artista, tarpaulin,” ani De Guzman.
Iginiit naman ni Espiritu na nagbibigay ang debate ng patas na espasyo upang maipahayag ang paninindigan ng mga kandidato, at sinabing iniiwasan ito ng ilan upang hindi mabunyag ang kakulangan nila.
Pinaulanan nila ng hamon ang parehong Duterte at Marcos slates, handang makipagdebate araw-araw.
“Parati kaming naghahamon. In fact, wala nga kaming inuurangan na mga debate. Each and every debate ay nandiyan kami. Magpakita sila. Hindi lang naman yan sa slate ni Duterte, pati sa slate ni Marcos, mag-debate tayo, araw-araw kung gusto niyo,” ani Espiritu.
Tumatakbo sila sa ilalim ng Partido Lakas ng Masa. RNT