MANILA, Philippines – Dismayado si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa kay National Security Adviser Eduardo Año dahil hindi nito inabisuhan ang kampo ni dating pangulong Rodrigo Duterte tungkol sa kanyang nalalapit na pag-aresto.
Ayon kay Dela Rosa, bilang malapit na kaibigan ni Duterte, dapat ay nagbigay man lang ng babala si Año bilang paggalang.
“Kahit na magsabi siya, uuwi at uwi naman talaga si [dating] Pangulong Duterte dahil kahit anong pag-kumbinsi sa kanya ng mga kasamahan niya doon sa Hong Kong na huwag umuwi, talagang desidido siyang umuwi, gusto niyang harapin. Pero out of courtesy lang sana, on the part of Secretary Año, sana kumontak man lang siya doon kahit sa mga staff lang ni President Duterte na kasama, pakisabi lang na arestuhin namin siya pag-uwi niya,” anang senador.
Nilinaw naman niyang personal ang kanyang hinanakit at hindi may kaugnayan sa opisyal na tungkulin ni Año.
“Ayun lang ikinasama ng loob ko. Hindi ko ikinasama ang loob ko na ginampanan niya ‘yung kanyang trabaho sa gobyerno ngayon. It’s more of personal, not official. More on personal on the personal level ang aking tampo,” dagdag pa ni Dela Rosa.
Inaresto si Duterte pagdating niya mula Hong Kong noong Marso 11 at dinala sa Scheveningen Prison sa Netherlands upang harapin ang kaso niya sa International Criminal Court.
Binanggit din ni Dela Rosa na may narinig siyang tsismis tungkol sa isang traydor sa grupo ni Duterte sa Hong Kong ngunit hindi niya ito makumpirma. RNT