Home NATIONWIDE Ka Leody nanawagan ng suporta sa ‘rural women’ at epekto ng climate...

Ka Leody nanawagan ng suporta sa ‘rural women’ at epekto ng climate crisis

MANILA, Philippines – Kasabay ng pagdiriwang ng ika-116 International Working Women’s Day, iginiit ni senatorial candidate at labor leader Ka Leody De Guzman ang kahalagahan ng pagtutok sa mga rural woman, at sinabing mas tumitindi ang hirap ng mga ito na kumita dahil sa lumalalang epekto ng climate crisis sa kanilang pang-araw araw na buhay.

Sa isang event sa Misamis Occidental, sinabi ni De Guzman na kailangan na ng pagtugon ng pamahalaan sa mga suliranin na kinakaharap ng mga kababaihan sa rural areas.

“Madalas nakakaligtaan ang pinagdadaanan ng mga kababaihan sa kanayunan, kailangan na itong pagtuunan ng pansin. Yung kawalan o kakulangan ng social mobility, job opportunities at sustenableng kabuhayan ay pinalalala pa ng hindi aksesibleng social protection programs ng gobyerno,” ani De Guzman.

Mas kakaunti umano ang pag-unlad na tinatamasa ng rural communities dahilan para kakaunti ang oportunidad ng mga babae sa mga lugar na ito na kumita.

Karamihan din sa mga ito ay napipilitang tiisin ang epektong pinansyal dahil sa mga kalamidad.

“Lalong pinabibigat ng krisis sa klima ang pinapasan ng mga kababaihan sa kanayunan. Ang mas matitinding mga bagyo, pagbaha at tagtuyot ay banta sa kanilang kabuhayan. May mga araw, linggo, umaabot pa nga minsan ng buwan na wala silang kinikita at walang option kundi mangutang, lalong nagiging bulnerable ang kanilang mga pamilya.”

Dahil dito ay siniguro ni De Guzman na kasama sa kanyang plataporma ay ang pagpapalakas sa mga rural woman sa pinansyal at politikal na aspeto.

Siniguro rin na makatatanggap ang mga ito ng suporta at oportunidad para mapabuti ang kanilang kabuhayan at mga komunidad. RNT/JGC