MANILA, Philippines – Nangako ang Department of Migrant Workers (DMW) nitong Biyernes, Marso 7 na iimbestigahan nito ang illegal recruitment schemes matapos mabiktima ang ilang Filipino para magtrabaho sa mga scam center sa Myanmar.
Ayon kay DMW Undersecretary Bernard Olalia, mayroon nang labor attache ang Pilipinas sa Thailand na handang makipagtulungan sa counterpart nito para sagipin ang mga Filipino sa scam centers sa Myanmar.
“Pinakaimportante dito is we are trying to get to the bottom of this and we are trying to find out kung sino ang nag-recruit sa kanila kasi kailangan natin ito na huwag ma maulit ang nangyari. Paano sila nadala doon through illegal means offshore,” pahayag ni Olalia sa isang press briefing.
“We are willing to file the necessary criminal case at sasampahan natin ang mga nag-recruit sa kanila,” dagdag pa niya.
Ani Olalia, may ilang pang Filipino ang nasa Myanmar pa rin at hindi makaalis dahil sa kakulangan ng kaukulang dokumento.
“Pag mayroong ire-rescue, nakaantabay lang ang team doon, tayo ay willing to operate with the [Department of Foreign Affairs],” anang opisyal.
“Ang challenge kasi natin ay hindi natin sila mauwi nang walang papeles. Ang karamihan sa kanila ay walang visa at ang kanilang pasaporte ay hindi nila hawak kasi tumakas lang. Kailangan natin tulungan sa document,” dagdag niya.
Noong Pebrero 20, nasa 12 biktima na na-recruit para illegal na magtrabaho sa Myanmar ang nakauwi na sa Pilipinas.
Sinabi ng mga biktima na sila ay na-recruit sa pamamagitan ng Facebook ng isa pang Pinoy na nag-alok sa kanila ng trabaho bilang customer sales representatives sa Myanmar. Kalaunan ay nalaman na lamang nila na online scammer ang kanilang magiging trabaho sa Myanmar.
Nakaranas umano sila ng pang-aabuso, pananakit, pangunguryente, at minsan ay pinahihirapan pa ng ilang oras. Kasabay nito ay hindi rin sapat ang pasahod at kinakailangan nilang magtrabaho ng mahabang oras.
Dahil dito ay nagbabala si Olalia sa mga Pinoy na huwag umalis ng bansa sa pamamagitan ng illegal backdoor migration at dapat sumunod sa mga kaukulang proseso.
“Kinakailangan huwag tourist visa ang gagamitin. Dapat palaging employment visa yan at kung maaari ay dadaan sa proseso nang sa ganon,” aniya.
Kamakailan ay nagbabala rin ang Bureau of Immigration na inaakit naman ng illegal gambling syndicates ang ilang Filipino na magtrabaho sa scam hubs sa ibang bansa para maging “brand ambassadors.” RNT/JGC