Home NATIONWIDE Kahirapan sa Pinas imahinasyon lang – Pres Adviser on Poverty

Kahirapan sa Pinas imahinasyon lang – Pres Adviser on Poverty

MANILA, Philippines — Sinabi ni Presidential Adviser on Poverty Larry Gadon na ang kahirapan sa Pilipinas ay “haka-haka” lamang o imahinasyon ng ilang tao,.

“Sana ang ating mga kababayan ay patuloy na sumusuporta sa Marcos administration, dahil sa totoo lang iyong mga nagsasabi ng napakahirap ng buhay ay sila lang ang nagsasabi niyan, haka-haka lang nila iyan,” ani Gadon sa isang televised interview.

Sinabi ni Gadon na kailangan lamang makita kung gaano karaming tao ang dumadagsa sa mga mall at fast food restaurant, o tingnan ang mga kalsadang puno ng mga sasakyan upang ipakita na maganda ang takbo ng ekonomiya ng bansa.

“So, iyong mga nagsasabi na hindi maganda iyong pamamalakad ng administrasyon, eh mga dati nang naninira iyan kaya huwag kayong maniwala sa kanila. Napakaganda ng pamamalakad ni Pangulong Bongbong Marcos at napakaganda ng ating tinatahak upang mapaganda ang kinabukasan ng ating bansa at ang kinabukasan ng ating mga susunod na henerasyon,” aniya.

Sa parehong panayam, gayunpaman, sinabi ni Gadon na ang poverty incidence sa Pilipinas ay kasalukuyang nasa 23.4 percent, na aniya ay bumaba sa dating 24.7 percent.

Sinabi ni Gadon na ang pagpapagaan ng administrasyong Marcos sa mga paghihigpit sa pandemya ay nakatulong sa ekonomiya ng Pilipinas na makabangon nang malaki, na pinatunayan ng 5.7 porsiyentong paglago ng bansa, ang pinakamataas sa Southeast Asia. RNT