Si Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., na muling tumatakbo sa reelection sa eleksyon 2025, ay nananatiling maingat sa kabila ng mataas na resulta ng kanyang pangalan sa mga survey ng boto.
Bagamat nagpapasalamat siya sa kanyang mataas na ranking, binigyang-diin ni Revilla na mas mahalagang magpokus sa aktuwal na panalo kaysa umasa lamang sa resulta ng survey.
Ayon sa kanya, “Nagpapasalamat tayo sa top ranking sa survey, nagbibigay inspirasyon, minsan good news, minsan bad news. At least nasa good news tayo.” Gayunpaman, sinabi rin niyang ayaw niyang maging number one sa survey: “Ayaw, ayaw, ayaw natin (makuha) number one spot sa survey, nagkaphobia na ako dyan,” biro ng senador. Dagdag pa niya, “Ang importante manalo, makatulong tayo sa mga kababayan natin Filipino hanggang sa mga kababayan natin OFWs.”
Tiniyak din ni Revilla na magpapatuloy siya sa pag-iikot at pagpapalaganap ng kanyang mga nagawa at mga planong batas. Isa sa kanyang ipinagmamalaking batas ay ang Universal Pension Law, na nagsimula nang mamahagi ng benepisyo sa mga senior citizens.
“Kahapon nga si Pangulo Bongbong Marcos ang namigay ng cash out ceremonial doon sa ating mga lola at lolo. Kaya uulit-ulitin natin na ang mga lolo at lola na 85, 90, at 95 ay pumunta sa OSCA at irehistro ninyo. Hindi man kayo, ay yung inyong mga kamag-anak, humingi kayo ng special power of attorney. Kung hindi ninyo man kayang bumangon sa kinahihigaan, at least matanggap ninyo cash gift natin na P10,000, at sa 100 years old, yung P100,000,” paliwanag ng senador.
Bukod dito, binanggit din niya ang kanyang pakikipagtulungan kay Senador Imee Marcos para palawakin ang benepisyo sa mga edad 50 hanggang 60.
“Tatrabahuhin natin yung 60 to 50 years old, junior senior citizens. Meron kumokontra e. Ayaw pa senior citizens at the age of 56, ang importante doon ma-avail. Ayaw pang maging senior citizens at the age of 56,” sabi niya.
Pinuri rin ni Revilla ang Commission on Elections (Comelec) sa paglalagay ng mga polling centers sa mga malls na may air conditioning.
“They are doing a great job para sa ating mga kababayan, na maglagay ng polling centers sa mga malls na airconditioned,” aniya.
Sa huli, muling tiniyak ni Revilla ang kanyang tapat na paglilingkod sa mga Pilipino. “Basta tandaan ninyo ang pagseserbisyo ko ay bukal sa puso ko, kahit buhay ko ibibigay ko, itataya ko para sa inyo,” pagtatapos ng senador. RNT