MANILA, Philippines- Muling tiniyak ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na magkakaroon ang ”Ayuda para sa Kapos ang Kita” Program (AKAP) ng mas mahigpit na safety protocols at mananatiling transparent, base sa panukalang guidelines.
Binigyang-diin ni Gatchalian ang ‘collaborative effort’ sa pagitan ng DSWD, Department of Labor and Employment (DOLE), at National Economic Development Authority (NEDA) para palakasin ang mga alituntunin at tiyakin na nasa ayos ang mga pananggalang para mapigilan ang maling paggamit ng pondo.
Sa kanyang veto message matapos lagdaan ang General Appropriations Act (GAA) of 2025, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maaaring magpatuloy ang DSWD sa pag-rollout ng AKAP matapos na aprubahan ang ‘updated at clearer guidelines’ na binuo sa pakikipagtulungan sa DOLE, NEDA, at DSWD.
“The revised guidelines are currently under review by the Office of the President and the Department of Budget and Management, and reiterated that they were crafted to strengthen safeguards and prevent political partisanship ahead of the midterm elections,” ayon sa Kalihim.
Kabilang sa mga pangunahing safety measures ay ang paglalathala ng mga pangalan ng benepisyaryo at mas mas mahigpit na pagbabawal sa mga political candidates na maugnay sa AKAP payout activities.
Sa kabilang dako, kumpiyansa naman si Gatchalian na ang updated guidelines ay makatatanggap ng pinal na pag-apruba mula kay Pangulong Marcos, na sa huli ay makapagpapalakas sa public trust sa programa.
Samantala, sinabi ni Gatchalian na napakinabangan ng 4 milyong Pilipino ang AKAP noong 2024.
Layon ng programa na makapagbigay ng financial assistance sa low-income at minimum-wage earners, partikular na sa mga apektado ng inflation at economic challenges.
Target nito ang vulnerable sectors, kabilang na ang mga magsasaka, mangingisda at manggagawa mula sa informal economy, para mapagaan ang kanilang pasanin sa pananalapi. Kris Jose