Home SPORTS Kai Sotto nalungkot na ‘di makalalaro sa Gilas

Kai Sotto nalungkot na ‘di makalalaro sa Gilas

MONTALBAN, Rizal – Nalulungkot si Kai Sotto na hindi siya makapaglalaro sa Gilas Pilipinas sa FIBA ​​Asia Cup 2025 dahil sa kanyang pagpapagaling mula sa ACL injury sa kanyang kaliwang tuhod.

Sinabi ni Sotto na ang timetable ng kanyang pagbabalik ay hindi pa rin matukoy matapos magkaroon ng injury sa paglalaro sa Japan B.League team kasama ang Koshigaya Alphas noong Enero.

“Siyempre, malungkot lagi kapag hindi ka makakapaglaro,” ani Sotto.

Sinabi ng 7-foot-3 na si Sotto na ang kanyang focus sa ngayon ay ang kanyang rehab para maging fit at makabalik sa paglalaro sa lalong madaling panahon.

“Three months, magfo-four months pa lang ako since surgery. Nagre-rehab pa lang ako,” wika ni Sotto.

Sa karaniwan ng mga kaso, ang isang ACL ay nangangailangan na ngayon ng isang buong taon ng recovery na magpapapigil sa kanya hindi lamang sa FIBA ​​Asia Cup 2025, ngunit posibleng ang unang window ng FIBA ​​Basketball World Cup 2027 Asian qualifiers sa Nobyembre 2025.

Nasa bansa si Sotto sa pagtatapos ng kanyang kampanya sa Japan B.League. Sinamahan niya ang kanyang Koshigaya Alphas coach na si Ryuzo Anzai upang saksihan ang doubleheader na paghaharap ng San Miguel laban sa Terrafirma at Magnolia laban sa Rain or Shine.

Bumisita din si Sotto at ang delegasyon ng Alphas sa practice ng Rain or Shine para mag-obserba.JC