Home NATIONWIDE Kakapusan ng itlog, pagsirit ng presyo tinutugunan na ng DA

Kakapusan ng itlog, pagsirit ng presyo tinutugunan na ng DA

MANILA, Philippines- Kumikilos na ang Department of Agriculture (DA) para masiguro na maiiwasan ang nagbabadyang kakapusan at magiging bunga ng pagtaas ng presyo ng itlog sa second quarter ng taon.

Ang nagbabadyang kakapusan ay bunsod ng epekto ng pagkalugi noong nakaraang taon dahil sa oversupply at pagbagsak ng presyo ng itlog.

Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na ang pagkalugi noong nakaraang taon ang dahilan para mapwersa ang ilang local producers na katayin ang kanilang layers, nauwi sa pagkabawas sa populasyon ng egg-laying hens o mga manok na nangingitlog.

“Bumagsak ang presyo sa farm gate ng P4 na piso bawat piraso. Maraming nalugi. Iyong mga nalugi naman, kinatay nila yung mga layers nila para magkaroon ng cash,” ani Tiu Laurel.

Umaasa naman ang Kalihim na ang presyo ng itlog ay hindi tataas mula sa kasalukuyang antas nito, may presyo na mula P8 at P9 kada piraso, o may ‘minimal increase’ sa Abril.

“May chance pa naman ma-avert itong ating sinasabi ko sa Abril dahil Pebrero pa lang naman. But at least, looking forward, we know there’s a problem and we will act on it,” ayon kay Tiu Laurel.

Kabilang aniya sa ginagawang pagkilos ng DA ay ang mass rollout ng avian influenza (AI) vaccines sa ilalim ng ‘monitored release’ na tinitingnan sa buwan ng Marso hanggang Abril, Sa kabila ng walang aktibo o positibong kaso ng highly pathogenic avian influenza (HPAI) sa Pilipinas.

Layon ng naging pagkilos ng DA na maiwasan ang kahalintulad na krisis na kasalukuyang nararanasan sa Estados Unidos sanhi ng patuloy na paglaganap ng HPAI, kabilang na ang bihirang strain ng bird flu na tinatawag na H5N9.

Aniya, may 145 milyong manok ang kinatay sa Estados Unidos dahil sa HPAI.

Si Tiu Laurel, kadarating lamang mula sa Estados Unidos ay nagpahayag na dahil sa krisis, ang isang karton ng itlog na ibinebenta ay USD4.15 (P242 o P20 kada itlog), na may ‘purchase restrictions’ na isa hanggang dalawang karton lamang sa supermarket.

Aniya, nakahanda ang DA na tumulong sa local producers hinggil sa importasyon.

“Ang pinakamalaking tulong maibibigay ng gobyerno sa DA sa industriya is to facilitate iyong pag-import ng mga bagong layers into the country, ma-fast track iyan. I will be setting (up) a meeting with them (stakeholders) very soon,” pahayag ni Tiu Laurel.

Samantala, nanawagan naman si Tiu Laurel sa financial institutions na paigtingin ang suporta sa local producers.

“The best thing is sana iyong mga financial institutionay mabigyan ng pautang iyong ating mga egg industry and let them repopulate,” ayon pa rin kay Tiu Laurel. Kris Jose