Ang SUV ng biktima na nawasak ang harapan nang bumangga sa poste matapos siyang ambusin ng riding-in-tandem.
MANILA, Philippines- Patay ang 52-anyos na negosyante nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang binabaybay ang kalsada sa Barangay Apo Esquivel, Jaen, Nueva Ecija kaninang umaga.
Ang biktima ay kinilalang si Jerry Flaminiano, residente ng Barangay Kapitan Pepe, Cabanatuan City.
Ayon sa mga residente, sakay ng kanyang SUV ang biktima nang pagbabarilin ng mga suspek.
Sa tindi ng mga tamang tinamo ng biktima ay bumangga ang sinasakyan niya sa poste ng kuryente na nasa gilid ng kalsada.
Isinugod pa ng mga awtoridad ang biktima sa pinakamalapit na ospital pero idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Agad namang naaresto ang isa sa dalawang suspek na kasalukuyang iniimbestigahan sa istasyon ng pulisya.
Wala pang pahayag ang mga pulis sa nangyaring pamamaril dahil patuloy pa ang kanilang imbestigasyon sa krimen.
Maging ang pamilya ng biktima ay hindi pa rin makausap sa ngayon dahil sa nangyari. Marina G. Bernardino