MANILA, Philippines – Ayon sa Department of Health (DOH), malaki ang kakulangan ng dentista sa bansa, na may dentist-to-population ratio na 1 sa 53,000, labis na kulang kumpara sa standard ng World Health Organization na 1 sa 7,500.
“Napakataas po ng kailangang habulin ng isang dentista which we cannot do at this moment… Pinagsusumikapan po namin na matugunan pero hindi kaya po,” sabi ni Emmie Perez, DOH undersecretary. Dahil dito, 9 sa 10 batang Pilipino ay nakararanas ng tooth decay o iba pang dental problems.
Ipinunto ni Perez na isa sa dahilan ang mababang sahod sa gobyerno, na nagiging hadlang sa recruitment at retention ng dentista. Dagdag pa niya, madalas nakakaligtaan ang oral health kahit mahalaga ito sa pangkalahatang kalusugan, kaya hinihikayat niya ang private sector na makipagtulungan sa mga programa ng gobyerno.
Simula 2024, nagkakaloob ang PhilHealth ng preventive oral healthcare package hanggang ₱1,000 kada taon, kabilang ang preventive services at emergency tooth extraction. Patuloy ang konsultasyon para sa mas pinalawak na dental benefit packages, kabilang ang suporta para sa dentures.
“Hindi po kaya ng government alone. Kailangan po natin ng collaboration with the private sector,” ani Perez. RNT/MND