Home METRO P18M allowance ipamamahagi sa 3,000 retiradong guro sa Maynila

P18M allowance ipamamahagi sa 3,000 retiradong guro sa Maynila

159
0

MANILA, Philippines – Iniutos ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pagpapalabas ng ₱18 milyon na allowance para sa tinatayang 3,000 retiradong pampublikong guro sa lungsod, na sasaklaw sa kanilang Old Age Sustenance Allowance (OASA) para sa buong taon ng 2025.

Sakop ng naturang ayuda ang allowance mula Enero hanggang Disyembre 2025 sa ilalim ng Ordinance No. 7977, na nagbibigay ng ₱500 buwanang tulong o ₱6,000 kada taon para sa mga kwalipikadong retiradong guro na 70 taong gulang pataas.

Ayon kay Domagoso, una umanong hiniling sa kanya ang pagpapalabas ng anim na buwang allowance lamang na nagkakahalaga ng ₱9 milyon, ngunit minabuti niyang aprubahan ang kabuuang pondo para sa isang taon.

“Good things come to those who wait. Kaya January to December 2025 na mahuhulog. Inatasan ko na si Atty. Paul Vega, ang ating City Treasurer, na ilabas ang ₱18 milyon para sa ating halos 3,000 retiradong guro ng Maynila,” ani Yorme.

Nilagdaan ng alkalde ang pagpapalabas ng pondo noong Pebrero 13, at agad ding inatasan ang City Treasurer’s Office na iproseso ang distribusyon na itinakdang gawin mula Pebrero 16 hanggang 20.

Ibinahagi rin ng alkalde na dahil sa patuloy na pagbuti ng pananalapi ng lungsod, nagagawa na nilang tugunan ang mga naiwang obligasyon ng pamahalaang lungsod, kahit pa bago ang kanyang kasalukuyang termino.

Binigyang-diin ng alkalde na ang ordinansa ay pagkilala sa sakripisyo at dedikasyon ng mga guro sa pampublikong paaralan ng Maynila.

“Ito ay munting tulong, pagkilala at pagpapahalaga sa mga guro nating naglingkod sa lungsod,” aniya.

Sa kanyang talumpati sa mga opisyal ng Manila Retired Teachers Association sa ginanap na flag-raising ceremony sa City Hall, nagpasalamat ang alkalde sa mga guro na umano’y humubog sa iba’t ibang propesyonal sa bansa.

Ipinagmalaki rin ni Domagoso na siya mismo ay produkto ng pampublikong edukasyon sa Maynila at sinabi na tungkulin ng lungsod na patuloy na kilalanin ang ambag ng mga guro sa paghubog ng susunod na henerasyon ng mga Manileño.

“Sigurado ako, marami kayong naproduce na doktor, engineer, abogado, pati mga IT professional,” dagdag pa niya. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here