Home OPINION KALAMIDAD SA KURYENTE PAGHANDAAN NA

KALAMIDAD SA KURYENTE PAGHANDAAN NA

MALAYO pa, nasa apat taon pa, bago masabing wala na
tayong makuhang natural gas sa ating minahan nito sa
Malampaya, Palawan.

Kapag nangyari ito, mga brad, tiyak na dadaluhungin tayo
ng mga brownout at blackout.

Kung mareremedyuhan naman ang mga planta na
umaandar sa natural gas sa pamamagitan nang pag-angkat
ng liquefied natural gas, tiyak namang magmamahal ang
bayarin natin sa kuryente dahil sumasabay ang presyo ng
LNG sa napakamamahal na mga produktong petrolyo.

Paano ba tayo maaapektuhan nang todo sa kakapusan o
kawalan ng Malampaya natural gas?

Heto: Sa kabuuang kuryenteng nalilikha sa Pinas,
pinakamalaki ang galing sa plantang uling ang
panggatong – nasa 46.41 porsyento; produktong
petrolyong diesel, gasolina at gaas – 18.41%; natural gas
– 12.69%; hydro o dam – 7.78%; bioenergy – 2%; Solar –
1.61%; at hangin – .84%.

Maliit kung tingnan ang natural gas dahil nasa 13 % lang,
pero alam ba ninyong bumubuo ito ng 40% sa konsumong
kuryente ng mga taga-Luzon?

Kaya kapag nawala ang Malampaya natural gas,
paghandaan na ang mga brownout at blackout sa Luzon at
mapipilitan na tayong magkaroon ng sariling mga
generator na aandar sa napakamamahal na mga
produktong petrolyo.

Diyan na rin magmamahal ang lahat ng mga bilihin,
serbisyo at iba pa.

Naghahanap naman ang gobyerno ng iba pang
mapagkukunan ng ibang natural gas, kasama na ang
Mindanao, pero aabutin ng 5-10 taon ang pagtatayo ng
mga gamit para makalkal at maiahon ito para magamit na
panggatong ng mga nakatayong planta para sa natural gas.

Isang malaking katanungan naman kung mapabilis ang
pagtatayo ng iba pang mga windmill gaya sa Ilocos Norte,
solar o galing sa init o liwanag ng araw at iba pa para
maibsan ang magiging kakulangan o kawalan ng natural
gas.
Sana naman, makagawa ang pamahalaan ng mga remedyo
bago dumating ang kalamidad sa kuryente.