MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Migrant Workers (DMW) ang kaligtasan at patuloy na trabaho ng 412 Pilipinong seafarers na naka-deploy sa offshore operations sa Persian Gulf matapos ang pagbisita ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac sa Saudi Arabia mula Abril 20 hanggang 23.
Sa online briefing nitong Huwebes, sinabi ni Cacdac na nakipagpulong siya sa mga opisyal ng Zamil Offshore, na siyang employer ng mga Pilipinong seafarers na nasa mga barkong nag-ooperate sa Persian Gulf.
“It was a very fruitful meeting as well, and we were positively assured by Zamil Offshore representatives of the safety of our 412 seafarers in these support ships, and number two, that they have food and water and adequate supplies, and other basic needs. So, they’re being taken care of,” anang kalihim.
Ayon kay Cacdac, nananatiling employed ang mga manggagawa at tuloy ang kanilang mga kontrata, kabilang ang regular na pagpapadala ng 80 porsiyento ng kanilang kita sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas. Aniya, may internet din sa barko kaya nakakausap nila ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sinabi rin niya na pinuri ng Zamil Offshore ang mga Pilipinong seafarers dahil sa kanilang “knowledge, competence, and seamanship,” at nagpahayag ng interes na kumuha pa ng mas maraming Pilipino.
“The 412 seafarers on those ships will continue to work within the Persian Gulf. They will not exit the Persian Gulf out of the Strait of Hormuz,” dagdag pa niya.
Idinagdag ni Cacdac na 1,161 Pilipinong seafarers na ang nakalabas sa Persian Gulf sa pamamagitan ng Strait of Hormuz mula Abril 2 hanggang 18 bilang bahagi ng monitoring ng pamahalaan sa gitna ng tensyon sa rehiyon.
“The count we had was around 4,600, so 1,161 have exited. Subject to further validation of the figures, safe to say that the 4,600 have been reduced,” ayon pa kay Cacdac. Dave Baluyot