Home NATIONWIDE Kalinga Act ‘di ayuda, playbook ng gobyerno vs oil shocks- Quimbo

Kalinga Act ‘di ayuda, playbook ng gobyerno vs oil shocks- Quimbo

21
0

MANILA, Philippines – Dapat unawain ang panukalang Kalinga Act bilang isang pambansang crisis-response playbook laban sa biglaang pagtaas ng presyo ng langis at hindi simpleng programa ng ayuda lamang, ayon kay Marikina City Rep. Miro Quimbo, chairman ng House Committee on Ways and Means.

Ayon kay Quimbo, layunin ng panukala na bigyan ang pamahalaan ng isang predictable system upang protektahan ang mga konsyumer, transport workers, magsasaka, mangingisda, mga negosyo, at ordinaryong pamilya tuwing sumisirit ang presyo ng petrolyo sa merkado.

“Siguro magandang paglilinaw sa Kalinga Bill, hindi tama na i-describe siya as simple as an ayuda program because it is not” ani Quimbo.

“Ang gusto natin dito ma-create isang framework kung saan ang gobyerno ay nakakaroon ng framework within which paano siya magre-react each time nakakaroon ng oil price surge or crisis. Kasi alam natin na hindi ito ngayon lang mangyayari,” dagdag pa nito.

Ipinaliwanag ni Quimbo na kailangan ng bansa ng mas disiplinadong pagtugon dahil ang pagtaas ng presyo ng langis ay isang paulit-ulit na banta, at hindi isang beses lang na kaganapan na dadaanin lang sa mga ad hoc o pansamantalang programa.

Nasa sentro ng panukala ang isang three-part framework na gagabay sa aksyon ng gobyerno kapag tumaas ang presyo ng langis, una ay kontrolin ang implasyon, maghatid ng direktang tulong sa mga unang apektadong sektor, at unti-unting ilayo ang ekonomiya sa pagiging dependent sa langis.

Sa ilalim ng Kalinga bill, aatasan ang gobyerno na magpanatili ng nakahandang listahan ng mga kuwalipikadong benepisyaryo.

“So inaatasan under sa Kalinga ang pamahalaan na magkaroon na ng ready list of beneficiaries base sa objectives na ito para hindi naghahanap ng listahan, doble listahan, naghahanap sa kapitan, sa mayor, sa congressman, sa senador, sa governor, hindi na ganoon. So merong fixed set of beneficiaries for that given objectives para insulated siya sa politika at nami-meet natin ang specific target,” giit ni Quimbo.

Bukod sa emergency assistance, tinitingnan din ng panukala kung paano hindi magiging depende ang bansa sa imported fuel.

“At ang pangatlong framework, kung papaano tayo mas lilihis na sa oil-dependent economy, so nakalagay rin sa Kalinga bill, ano ‘yung steps na ating kailangan gawin so that we become less dependent on oil. So we’re talking about tax incentives for employers or companies na nagkakaroon ng solarization o kaya renewable source of energy, hindi na galing sa power plants lang na galing sa diesel,” ani Quimbo.

Kasama rin sa panukala ang mga insentibo para sa mga employer na sumusuporta sa electric vehicle access para sa kanilang mga manggagawa, at ang mas malakas na paglipat ng pamahalaan sa mga e-vehicle para sa sarili nitong fleet.

Bagamat may mga ayuda component ang bill para sa iba’t ibang sektor,kabilang ang mga ordinaryong empleyado, middle class, agrikultura, mangingisda, minimum wage earners, lower middle class, at MSMEs, binigyang-diin ni Quimbo na ang mga ito ay bahagi ng mas malawak na resilience strategy.

“Kapag alam ng ekonomiya na ang gobyerno ay merong framework how to respond, mas nawawalan ng uncertainty. And uncertainty is the number one driver of increase in prices of commodities,” ayon kay Quimbo.

Para kay Quimbo, ang Kalinga bill ay isang praktikal na hakbang para sa masa dahil layon nitong pigilan ang epekto ng oil shocks sa pagkain, pamasahe, kuryente, kabuhayan, at budget ng pamilya, habang binibigyan ang gobyerno ng isang predictable at hindi napopolitikahang paraan ng pagtulong sa mga unang tinatamaan ng krisis. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here