MANILA, Philippines – Matinding kinalampag ni Senador Sherwin Gatchalian si Education Secretary Sonny Angara na pabilisin ang pagtatayo ng bagong silid-aralan sa buong bansa bago magsimula ang 2026-20267 school year sa Hunyo.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, dating chairman ng Senate committee on basic education, na ilang araw bago ang pagbubukas ng klase, inaasahang mas bibilis ang pagpapatayo ng bagong silid-aralan ngayong taon, isang mahalagang hakbang upang tugunan ang malaking kakulangan ng mga classroom sa bansa.
Binalikan ni Gatchalian na sa ilalim ng 2026 national budget, P67. 931 bilyon ang inilaan para sa pagtatayo ng mga silid-aralan, kabilang ang mga laboratoryo para sa technical and vocational education.
Inaasahang pakikinabangan ng 4.6 milyong mag-aaral ang hanggang 24,527 silid-aralan.
Noong Hulyo ng nakaraang taon, sinabi ng Department of Education (DepEd) na umaabot sa 147,000 ang kakulangan sa mga silid-aralan sa bansa.
Binigyang-diin din ng senador na sa ilalim ng 2026 national budget, may flexibility na ang DepEd pagdating sa pagpapatayo ng mga silid-aralan.
Dati, tanging ang Department of Public Works and Highways (DPWH) lamang ang may mandato na magtayo ng mga classroom.
Ngunit sa ilalim ng special provision sa 2026 national budget, maaari na ring makipagkasundo ng DepEd sa mga lokal na pamahalaan (LGUs), iba pang ahensya ng gobyerno, at mga organisasyon ng civil society upang magpatayo ng mga pasilidad na ito sa pamamagitan ng memorandum of agreement.
“Kung mas maraming LGUs at iba’t ibang sektor na makakatulong sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, mas mapapabilis natin ang pag-abot sa target ngayong taon hanggang sa mapunan natin ang kakulangan sa mga silid-aralan,” ani Gatchalian. Ernie Reyes