MANILA, Philippines – Humiling ang ilang miyembro ng House of Representatives sa Senado na italaga ang P1 bilyon para sa Nationwide Operational Assessment of Hazards (Project NOAH) bilang bahagi ng 2026 national budget.
Ayon kay Negros Occidental Rep. Javier Miguel Lopez Benitez, mahalaga ang updated hazard maps ng Project NOAH, lalo na sa panahon ng bagyo at pagbaha, dahil 35 milyon ang naghahanap ng impormasyon sa website nito, at umabot sa 2.5 milyon kada araw sa peak times. Huling na-update ang hazard maps noong 2012.
Paliwanag ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Suansing, makakatulong ang pondo upang makipagtulungan ang Project NOAH sa DPWH sa pagpaplano at monitoring ng flood control projects. Sa pamamagitan ng simulation, matutukoy kung saan talaga kailangan maglagay ng flood control structures, at maiiwasan ang hindi kinakailangang proyekto sa maling lugar.
Binanggit din ni Suansing na bumaba na ang annual budget ng Project NOAH mula P500 milyon hanggang P36 milyon, subalit patuloy itong nakapagbibigay ng tumpak na hazard maps na pinagkakatiwalaan ng maraming Pilipino. Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang Project NOAH sa ilalim ng UP National Resilience Institute. RNT/MND