MANILA, Philippines – Nakipagtulungan ang Department of Tourism (DOT) sa Cebu Pacific at Hotel, Resort, and Restaurant Association of Cebu Inc. (HRRACI) upang mag-alok ng flight incentives at accommodation promos para hikayatin ang pagbisita sa Cebu matapos ang mga nagdaang natural na sakuna sa lalawigan.
Inilunsad ang “Visit Cebu” campaign noong Biyernes sa pamamagitan ng isang memorandum of understanding. Ayon kay Tourism Secretary Christina Frasco, layunin ng programa na buhayin muli ang turismo at suportahan ang mga lokal na negosyo at manggagawa.
Sa ilalim ng kasunduan, maaaring makakuha ang mga foreign travelers ng discounted flights, hotel vouchers, at promotional packages sa mga kalahok na hotels at resorts sa Cebu. Ang ilan ay maaaring makatanggap ng isang libreng gabi ng pananatili, ayon sa programa.
Tutok ang kampanya sa anim na pangunahing merkado: Korea, Japan, Thailand, Singapore, Hong Kong, at Vietnam, gamit ang digital promotions at international routes ng Cebu Pacific.
Ayon kay HRRACI president Mia Leon, nakikipag-ugnayan ang grupo sa kanilang mga miyembro upang magbigay ng accommodation deals at pamahalaan ang pamamahagi ng vouchers. Tutulong naman ang Cebu Pacific sa mga kwalipikadong biyahero at tourism stakeholders, kabilang ang mga sumasali sa familiarization trips at business sessions.
Kasama sa mga trip ang Moalboal at Malapascua upang itampok ang dive tourism ng Cebu, kasabay ng Philippine Dive Experience na inorganisa ng DOT. Ayon sa tourism officials, ang programa ay patunay ng tuloy-tuloy na pagtutulungan ng gobyerno at pribadong sektor upang muling pasiglahin ang turismo sa Cebu. RNT/MND