Home NATIONWIDE Kamara kinalampag sa P100 wage hike bill sa pagdiriwang ng Labor Day

Kamara kinalampag sa P100 wage hike bill sa pagdiriwang ng Labor Day

MANILA, Philippines – Mistulang kinalampag ni Senador Joel Villanueva ang Mababang Kapulungan ng Kongreso upang tuluyan nang pagtibayin ang panukalang dagdag sahod na P100 kada araw para sa mga manggagawa.

Ginawa ni Villanueva—na siyang chairman ng Senate Committee on Labor and Employment—ang panawagan dalawang araw bago ang pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa Mayo 1.

Nakabakasyon ang Kongreso upang bigyang-daan ang eleksyon at nakatakdang magbalik sa sesyon sa Hunyo 2.

“Hinihintay po natin ‘yung pagpasa ng Kamara. Inaasahan din po natin at inaapela sa ating mga counterpart sa Kamara de Representantes na ipasa din po ito,” pahayag ni Villanueva sa Kapihan sa Senado forum.

“Nang sa gayon, maibsan ‘yung kalunos-lunos na sitwasyon ng ating mga manggagawa na talaga namang napakahirap… Mas mabilis ang pagtaas ng bilihin kaysa sa pagtaas ng kanilang sweldo,” dagdag pa niya.

Ayon sa senador, bagaman ginagampanan ng Regional Wage Boards ang kanilang mandato, nananatiling kulang pa rin ang kinikita ng mga manggagawa upang maituring itong disenteng sahod.

“Sabi nga sa isang pelikula… ‘Tinimbang ka ngunit kulang.’ Parang kulang na kulang pa rin talaga. So what’s ₱100 daily wage increase?” ani Villanueva.

Binanggit rin ng senador na may mga nakabinbing panukala sa Senado na layong magtakda ng pamantayan para sa living wage o sahod na sapat para sa mga pangunahing pangangailangan ng isang pamilya.

Samantala, nauna nang inaprubahan ng komite sa Kamara ang P200 wage hike bill bago magbakasyon noong Pebrero, habang pinagtibay na ng Senado ang sarili nitong bersyon na ₱100 dagdag-sahod. Ernie Reyes