MANILA, Philippines – Tiniyak ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III nitong Huwebes na nananatiling nakatuon ang House of Representatives sa paglilingkod sa sambayanang Pilipino sa kabila ng bagong joint case referral ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at DPWH laban sa ilang miyembro.
Binanggit ni Dy na bahagi ng pagiging lingkod-bayan ang pananagutan at handang makipagtulungan ang lahat ng mambabatas, iniimbestigahan man o hindi, habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
“Anuman ang mangyari, nananatiling nakatuon ang Kapulungan ng mga Kinatawan sa tungkulin nitong maglingkod sa bayan. Ang pananagutan ay bahagi ng pagiging lingkod-bayan, at ang lahat ng miyembro – iniimbestigahan man o hindi – ay handang makipagtulungan sa anumang proseso habang patuloy na ginagampanan ang kanilang papel bilang mambabatas,” ayon kay Dy.
Idinagdag niya na ang kapakanan ng mga Pilipino ang pangunahing prayoridad ng Kapulungan at muling iginiit ang kanilang pakikiisa at pakikipagtulungan sa ICI.
“Naniniwala tayo na ang katotohanan ay hindi dapat ikinukubli at ang mga may pananagutan ay dapat managot.” RNT