MANILA, Philippines – Matapos magbitiw bilang miyembro ng 20th Congress, wala nang hurisdiksyon ang House of Representatives kay resigned Ako Bicol Rep Zaldy Co, ayon kay House Speaker Faustino Dy.
Sa isang press conference, sinabi ni Speaker Dy na kasunod ng pagbibitiw ni Co ay wala na rin hurisdiksyon ang Kamara na imbitahan ito para humarap sa House Ethics Committee para sagutin ang reklamo laban sa kanya ni Navotas Rep. Toby Tiangco.
Nang tanungin kung nasaan si Co, sinabi ni Speaker Dy na walang alam kung nasaan ito.
“Nakikipagkoordina kami kay Ako Bicol Rep Alfredo Garbin kung nasaan si Rep. Co ngunit sinabi nitong wala din syang impormasyon,” ani Dy.
Bagamat wala nang hurisdiksyon ang Kamara kay Co, sinabi ni Speaker Dy na kanila pa rin itong hinihimok na umuwi ng bansa at sagutin ang mga seryosong paratang laban sa kanya.
Hinikayat din ng Kamara ang Department of Justice gayundin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na siyang magsampa ng kaso laban kay Co.
“Pinauubaya na natin ang case ni Rep. Co s DOJ at ICI,” ani Speaker Dy.
Samantala, nilinaw naman nito na personal leave ang inapply ni Co na travel clearance nang lumabas ito ng bansa kaya napayagan ito ng Kamara. Aniya, kung medical leave ang inapply noon ni Co ay hiningan sana nila ito ng medical certificate.
Ukol sa kung sino ang papalit kay Co, sinabi ni Speaker Dy na depende na ito sa Ako Bicol partylist. Gail Mendoza