MANILA, Philippines – Pinatitindi ng Philippine National Police (PNP) ang pagbabantay sa “Thuoc Lao” o black cigarettes, kasunod ng direktiba ni Pangulong Marcos Jr. na pangalagaan ang kalusugan ng publiko.
Ani Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., pinapalakas ng mga awtoridad ang intelligence operations sa pakikipagtulungan sa Bureau of Customs, Department of Health, at iba pang ahensya.
Ang Thuoc Lao o “tuklaw” ay isang malakas na produktong tabako mula sa Northern Vietnam na may nicotine na hanggang 9 porsyento, mas mataas kaysa karaniwang sigarilyo, at ang ilang variant ay maaaring may halong synthetic cannabinoids.
Hindi inaprubahan ng National Tobacco Administration ang pag-aangkat nito. Nagtaas ng alarma ang mga opisyal sa kalusugan matapos makaranas ng seizure-like symptoms ang ilang kabataan dahil sa paninigarilyo ng Thuoc Lao.
Binalaan rin ng Philippine Drug Enforcement Agency na maaaring naglalaman ng parehong synthetic cannabinoids ang ilang vape products. Santi Celario