MANILA, Philippines – Sinimulan ng mga deboto ang Sinulog 2026 sa Cebu City sa pamamagitan ng tradisyunal na “Walk with Jesus” foot procession nitong Huwebes ng umaga.
Kasabay nito, nagsimula rin ang novena masses para sa Kapistahan ng Sto. Niño.
Dumalo ang daan-daang deboto at mga Augustinian friar sa isang kilometrong ruta mula Fuente Osmeña, dumaan sa Osmeña Boulevard, patungo sa Basilica Minore del Sto. Niño, kung saan ginanap ang misa sa Pilgrim Center, ang una sa siyam na araw ng novena.
Ang fiesta triduum ay magaganap mula Enero 16 hanggang 18. Sa Enero 17, ililipat ang imahe ng Sto. Niño mula sa National Shrine at Parish of St. Joseph patungo sa National Shrine of Nuestra Señora de Regla sa Lapu-Lapu City para sa isang misa, kasunod ang fluvial procession sa Mactan Channel na magtatapos sa Pier 1 sa Cebu City.
Gaganapin ang reenactment ng unang misa, binyag, at kasal sa Pilgrim Center ng basilica, kasunod ang 7-kilometrong foot procession sa pangunahing kalsada ng lungsod.
Sa Enero 18, ang unang misa ng kapistahan ay pangungunahan ni Cebu Archbishop Alberto S. Uy sa basilica. RNT