NOONG Agosto 3, Sabado, malawakang inilunsad ang Revitalized- Pulis Sa Barangay, Buhay Ingatan Droga Ayawan o R-PSB, BIDA sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City na pinamunuan ni National Capital Region Police Office director PMGen Jose Melencio Nartatez Jr. kung saan naging panauhing pandangal ang prime mover ng programa na si Department of Interior and Local Government Secretary Atty. Benhur Abalos.
Dumalo rin si Philippine National Police chief PGen Rommel Francisco Marbil kasama ang mga regional director ng pulisya, provincial directors at mga opisyal ng PNP na may kaugnayan sa pakikipaglaban ng pamahalaan upang mabawasan ang pagkalat ng iligal na droga kung hindi man tuluyan itong mawala sa mercado.
Sina Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon, Malabon Mayor Jeannie Sandoval at Pasay City Mayor Emmy Calixto-Rubio ay pawang nakiisa kay SILG Abalos sa kanyang layunin na mapagtagumpayan ang kampanya laban sa droga na hindi kailangang may magbuwis ng buhay.
Sama-samang nagkaisa ang lahat ng barangay sa buong Kamaynilaan na binubuo ng labing-anim (16) na lungsod at isang munisipalidad kung saan libo-libo ang nagtungo sa Camp Bagong Diwa na iisa ang adhikain — ang mawala na ang droga sa komunidad at mabuhay nang maayos at mapayapa ang mga mamamayan.
Noon pa man, pagkaupo pa lang sa NCRPO bilang regional director mahigit isang taon na ang nakararaan, ipinaaalala na ni Nartatez sa kanyang mga tauhan ang pagpapahalaga s buhay. Kaya nga madalas ay ibinibilin nito na kailangang dumaan sa tamang proseso nang paghatol ang mga taong sangkot sa iligal na droga. Sa pag-aresto sa kanila, kailangang imbestigahan, sampahan ng kaso at litisin at hindi dapat maging kamatayan kaagad ang hatol.
Simula nang ilunsad ni Nartatez ang kanyang kampanya laban sa droga, halos araw-araw ay may huli ang iba’t ibang istasyon o halos lahat ay nagtatrabaho upang mabawasan na ang mga sangkot sa droga kundi man maubos. Siyempre, ito ay dahil na rin sa mismong community engagement na kanyang pinaiiral sa kanyang mga nasasakupan.
Ang community engagement ay ang pagbaba ng mga pulis sa mga komunidad upang magserbisyo at iparamdam sa taumbayan na handang tumulong ang pulisya sa kanila lalo na sa usapin ng kapayapaan at kaayusan kaya naman kailangan lang ang kanilang tiwala. At dahil sa ginawang pagtungo sa komunidad ng mga pulis, nakuha nila ang tiwala ng mamamayan kaya naman madali na sa mga ito ang magbigay ng impormasyon sa mga pulis na kumaibigan sa kanila.
Para kay Nartatez, magtutuloy-tuloy ang programa ng kanyang tanggapan kaugnay sa kampanya kontra droga. At maging ang mga tauhan ng NCRPO ay patuloy din na sasailalim sa surprise drug test upang sa ganoon ay manatiling malinis ang organisasyon mula sa mga gumagamit ng bawal na droga.
Sa madaling salita, tuloy ang pag-iingat sa buhay ng mga nagkasala subalit hindi ibig sabihin nito ay hindi na pagtutuunan ng pansin ang mga nagpapatupad ng batas. Giit ng RD ng NCRPO, pantay-pantay ang magiging pagpapatupad ng batas sa mga pulis at mamamayan.