Home OPINION ‘SWEETHEART DEAL’ SA KALANGITAN?

‘SWEETHEART DEAL’ SA KALANGITAN?

DAHIL sa kagustuhan ni Pangulong Bongbong Marcos na magkaroon ng masusing waste management sa bansa matapos nating maranasan ang masamang epekto ng basura sa pagbaha nitong nakaraang Bagyong Carina, mukhang biglang kumambyo ang Bases Conversion and Development Authority at Clark Development Corporation.

Ang hawak nating bagong impormasyon, hindi na raw ipasasara ng BCDA at CDC ang Kalangitan Landfill sa Capas, Tarlac, na pinamamahalaan ng Metro Clark Waste Management Corporation.

Nauna nang kumalat ang pagpupumilit ng BCDA at CDC na i-endo ang Kalangitan sa darating na Oktubre kahit sinasabi ng Metro Clark na sa Year 2049 pa mag-e-expire ang lease agreement nila hinggil sa lupang kinalalagyan ng landfill.

Sabi ni Ms. Vicky Gaetos, ang executive vice president ng Metro Clark, hindi sila pwedeng basta paalisin ng BCDA at CDC dahil may pinanghahawakan silang kontrata at batay na rin sa RA 7652 o ang Foreign Investor Long-Term Lease Act (up to 75 years maaaring magrenta ng lupa sa bansa ang isang foreign investor).

German group ang isa sa shareholder ng Metro Clark at dapat na protektado sila ng batas. Otherwise, maraming foreign investors ang matatakot na mamuhunan sa Pilipinas dahil nababali pala ang ating mga batas.

Dahil labag sa kontrata at batas, bukod pa sa napakalaking garbage crisis ang idudulot nang pagpapasara sa Kalangitan Engineered Sanitary Landfill, siguro’y napag-isip-isip ng BCDA at CDC na sila ang mapuputukan kapag natuluyan ang krisis sa basura at baka ma-Ombudsman pa sila.

Pero ang nakapagtataka, kung hindi na ipapasara ng BCDA at CDC ang Kalangitan, bakit ngayon naman ay tila gusto nilang ipa-take over sa isang malaking business group ang pamamahala sa Kalangitan?

Anong rason? Baka isa na naman itong “sweetheart deal” ha? ‘Di kaya?

If it ain’t broke, don’t fix it, sabi nga. Naging maganda ang pamamahala ng Metro Clark sa kanilang landfill nitong nakalipas na mahigit 20 years dahil nananatiling malinis ang mga probinsya, siyudad, at bayan na nagdadala sa kanila ng basura. Ang Kalangitan ng Metro Clark ang siyang standard pagdating sa sanitary landfills. Ang mga tao rin ay talagang mga eksperto sa larangan.

Ito ay kasalukuyang tumatanggap ng hindi bababa sa tatlong libong toneladang basura araw-araw. Kabilang sa mga nagdadala ng basura rito ang 150 local government units at higit 1,000 industrial clients sa Central Luzon, Pangasinan, Metro Manila, at Cordilleras, kabilang ang Baguio City.

Noon pa nakatutulong ang Metro Clark sa waste management ng bansa simula noong panahon ni Pangulong Erap hanggang kay Pangulong Duterte at ngayon ay kay PBBM. Di ba’t ang waste management ang gustong maisaayos ni Presidente Marcos? Huwag naman sanang labagin ng BCDA at CDC ang Chief Executive.