KUNG gaano karami ang mga nagsisibalikan mula sa pagtatapos ng gobyernong Duterte sa negosyong droga, ganito ang nagaganap sa parte ng mga magnanakaw.
Noon, karamihan sa mga kasong nakawan ay nauugnay sa droga.
Ganito rin kaya ang nagaganap ngayon? Nagtatanong lang.
Pero may kaugnayan man o wala sa droga ang mga pagnanakaw ngayon, babala ng Lupa’t Langit na mag-ingay sa mga magnanakaw.
At iba’t iba pang istayl ng ginagamit ng mga magnanakaw para maisagawa lang nila ang kanilang krimen.
Tingnan ninyo ang naganap sa isang sikat na sikat na restoran na ninakawan ang isang sangay nito sa Valenzuela City.
Gumamit ang mga magnanakaw ng glass cutter para mabakbak nila ang makapal na salamin na dingding ng restoran.
Pinasok nila ang lahat ng pinagtataguan ng pera ng restoran, maging ang kaha de yero nito.
Binakbak ang kaha de yero sa pamamagitan ng bareta at nakuha nila ang nasa P70,000 kita ng restoran.
Dahil dito, nawalan ng pampasahod ang management sa mga empleyado na karamihan, may deadline sa pagbabayad ng mga dapat nilan bayaran gaya ng sa tubig, kuryente, utang at iba pa.
Napilitan tuloy ang mga empleyado ng mangutang na may interes sa iba para makapagbayad lang sila ng kanilang mga pinagkakautangan o obligasyon.
Ganyan ang mga perwisyo na likha ng mga magnanakaw.
Kung titingnan ang mga police report, sunod-sunod ang mga ninanakawan, maging ang mga convenience store.
Ang mga convenience store, karaniwan namang hinoholdap nang harap-harapan, lalo na ang mga walang guwardya.
Sa mga kalsada, nagsibalikan na rin ang mga namimitas ng mga hikaw, kwintas at relo habang nakasakay ang mga pasahero sa mga jeepney.
Maging ang mga mandurukot ay kalat na rin sa mga matataong lugar gaya ng mga palengke.
Paano kaya makikilala at mahuhuli o lilimasin ang mga kawatang ito, kasama na ang mga alaga ng mga pulis?