Home NATIONWIDE Kampanya sa pagtugon sa karahasan sa mga kabataan magpapatuloy – DSWD

Kampanya sa pagtugon sa karahasan sa mga kabataan magpapatuloy – DSWD

MANILA, Philippines- Magpapatuloy ang kampanya laban sa lahat ng uri ng karahasan laban sa mga kabataan kahit matapos pa ang pagdiriwang ng National Children’s Month (NCM).

Sa katunayan, binigyang-diin ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian ang pangangailangan para sa kolaborasyon sa pagitan ng mga ‘partners at stakeholders’ para itaguyod ang mas matibay na sukatan para protektahan ang mga kabataan mula sa lahat ng uri ng pang-aabuso.

“Even as we conclude this monthlong celebration, our fight to end violence against children will continue,” ayon sa Kalihim.

Sa kabilang dako pinangunahan naman ng Council for the Welfare of Children, isang attached agency ng DSWD, ang NCM at nagsagawa ng iba’t ibang aktibidad sa apat na tinatawag na ‘thematic areas’ gaya ng ‘survival rights, development rights, participation rights, at protection rights’ na dinisenyo para itaguyod at palakasin ang mga preventive measure at mga programa para tuldukan ang lahat ng karahasan laban sa mga kabataan.

Nakasaad sa Republic Act No. 10661, itinalaga nito ang buwan ng Nobyembre bilang National Children’s Month “to commemorate the adoption of the Convention on the Rights of the Child (CRC) by the United Nations General Assembly on Nov. 20, 1989.”

Ang Pilipinas ay isa sa signatory sa CRC, itinuturing na kauna-unahang ‘binding universal treaty’ na nakatuon lamang para sa proteksyon at promosyon ng karapatan ng mga kabataan.

Ngayong taon, itinatampok sa NCM celebration ang tamang “Break the Prevalence, End the Violence: Protecting Children, Creating a Safe Philippines.”

Samantala, gumradweyt (graduate) na ang pangalawang grupo ng post-graduate diploma on Child Protection cum Case Management (PGDCPCM) scholars, kinabibilangan ng 49 social workers.

Sa pamamagitan ng scholarship grants, ipinagkaloob ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), ang mga social worker mula sa DSWD central office sa Quezon City at attached agencies nito ay kumuha ng PGDCPCM para sa loob ng 8 buwan sa Miriam College.

“Born from the shared vision of empowering our social workers with enhanced expertise to address the evolving challenges in the field, the post-graduate diploma course aligns with the DSWD’s efforts to strengthen child protection systems in our country,” ang sinabi ni Undersecretary for Standards and Capacity Building Group Denise Florence Bernos-Bragas sa graduation ceremony.

Sinabi ni Bragas na pinahusay ng scholarship ang abilidad ng mga agency personnel na makapagbigay ng technical assistance sa lokal na social welfare at development offices.

Sinabi pa rin nito na ang partnership sa UNICEF at Miriam College ay kumakatawan bilang isang mahalagang hakbang para mapalalakas pa ang commitment ng DSWD para protektahan ang mga kabataan at tulungan ang mga ito na makamit ang kanilang buong potensiyal.

Ang unang grupo ng 50 DSWD employees ay nagtamo noong Setyembre 30. Kris Jose