Home NATIONWIDE Kampo ni Dela Rosa: Int’l law di awtomatikong sumusuporta sa pagsuko sa...

Kampo ni Dela Rosa: Int’l law di awtomatikong sumusuporta sa pagsuko sa ICC

298
0

MANILA, Philippines — Iginiit ng abogado ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa na walang batayan sa internasyonal na batas para agad na ipasuko sa International Criminal Court (ICC) ang senador, taliwas sa pahayag ng Department of Justice (DOJ).

Ayon kay Atty. Israelito Torreon, hindi “self-executing” ang Republic Act No. 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, dahil wala pa itong implementing rules and regulations (IRR) na nagtatakda kung paano isasagawa ang pagsuko ng isang indibidwal sa isang internasyonal na tribunal.

“Walang IRR na nailabas ng DOJ, DFA, o anumang ahensiya na naglilinaw ng partikular na proseso ng ‘surrender’ sa ICC,” ani Torreon.

Tinukoy niya ang Section 17 ng naturang batas na nagsasaad na maaaring magsuko o magpa-extradite ang Pilipinas ng isang tao “pursuant to applicable extradition laws and treaties,” na aniya’y nangangahulugang hindi awtomatiko ang proseso.

Dagdag ni Torreon, “Ang pagsuko ng isang mamamayang Pilipino sa isang banyagang tribunal ay ang pinakamabigat na anyo ng pagkakait ng kalayaan, dahil ito ay nangangahulugan ng aktuwal na paglilipat sa labas ng hurisdiksiyon ng mga korte sa Pilipinas.”

Nauna nang sinabi ng DOJ na maaaring gamitin ang RA 9851 bilang batayan kung sakaling maglabas ng arrest warrant ang ICC laban kay Dela Rosa, tulad ng ginawang argumento sa dating pangulo.

Ngunit ipinaliwanag ng Chief State Counsel Dennis Chan na taliwas ang pananaw ng DOJ sa abogado ni Dela Rosa, dahil ayon sa kanila, self-executing ang RA 9851.

“It is the position of the department that RA 9851 was actually the state’s response to its becoming a member of the ICC,” ani Chan. “There is no more need for subsequent legislation to fill in the gaps.”

Kasabay nito, sinabi rin ng DOJ na bukas pa rin ang posibilidad ng extradition proceedings, ngunit aminadong mas matagal ang prosesong ito kumpara sa direktang pagsuko sa ICC. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here