MANILA, Philippines – Arestado na ng mga awtoridad ang apat sa anim na lalaking sangkot sa pagnanakaw ng mga copper wire at ballast sa Ortigas Pumping Station sa Cainta, Rizal.
Ayon sa ulat, nakunan ng CCTV ang pagnanakaw ng mga suspek nitong Sabado, Nobyembre 8.
Natuklasan na lamang ng operator na wala na ang mga copper wire at ballast ng makina ng pump nitong Linggo na sabay sa pananalasa ng Bagyong Uwan.
Agad naman na umamin ang apat na naaresto na sangkot sila sa pagnanakaw at humingi ng paumanhin.
Nahaharap ang mga suspek sa reklamong robbery habang nagpapatuloy naman ang pagtugis sa dalawa pa nilang kasamahan.
Posible umanong abutin ng dalawang linggo bago mapalitan ang mga copper wire at maisaayos ang naturang flood control station. RNT/JGC