
MANILA, Philippines- Sinabi ng kampo ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo nitong Martes na nirerespeto nila ang desisyon ng Office of the Ombudsman na bumabasura sa kanilang motion for reconsideration upang tanggalin ang preventive suspension laban sa kontrobersyal na politiko.
Sinabi ni Atty. Stephen David, legal counsel ni Guo, mayroon silang ibang legal remedies, kabilang ang paghahain ng petition for certiorari sa Court of Appeals.
“I respect the Ombudsman pero ako I do not agree… So aakyat ako sa Court of Appeals,” wika ni David.
Binanggit din ni David na apektado ang alkalde sa sitwasyon.
“Hindi na gaya ng dati. Medyo affected na siya kasi nga marami nang sunod sunod na banat sa kanya,” giit niya.
Naniniwala silang parte ito ng umano’y political harassment laban kay Guo.
Samantala, isusulong din ng kampo ni Guo ang pagsasampa ng cyber libel cases laban sa umano’y mga naninira sa kanya.
Noong Hunyo 3, isinailalim ng Office of the Ombudsman si Guo at iba pang opisyal ng Bamban, Tarlac sa preventive suspension, habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon sa reklamong inihain ng Department of the Interior and Local Government sa umano’y ilegal na aktibidad sa isang Philippine Offshore Gaming Operator complex sa bayan.
Sa siyam na pahinang kautusan, ipinag-utos ni Ombudsman Samuel Martires na isailalim sina Guo, Business Permit and Licensing Officer Edwin Ocampo at Municipal Legal Officer Adenn Sigua sa preventive suspension upang hindi sila makahadlang sa imbestigasyon sa mga sumusunod na reklamong inihain ng DILG:
Grave Misconduct
Serious Dishonesty
Gross Neglect of Duty
Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service. RNT/SA