MANILA, Philippines- Inilahad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), araw ng Martes, ang listahan ng top priority bills na kapwa ipinangako ng dalawang Kapulungan ng Kongreso na ipapasa bago matapos ang sesyon.
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang ika-limang LEDAC Meeting sa Kalayaan Hall sa Palasyo ng Malakanyang.
Pinag-usapan sa LEDAC ang kalagayan ng 25 priority bills na napagkasunduan noong nakaraang taon.
“The council came up with a list of top priority bills that the members, the leaders of both Congress commit to pass within the remaining period of the current session,” ayon kay Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan.
“So, these are 10 bills that are considered top priority. And there’s a second list that consists of another 10. I think that’s another 10 bills. And also the other bills that are in advanced stages. That are either at the bicam stages or already enrolled bill[s],” dagdag ng opisyal.
Inilarawan naman ni Balisacan ang nasabing pulong bilang “productive at full of enthusiasm.”
“We see the current leadership of Congress responding to these needs of our economy, of our society, so that we can achieve the socioeconomic transformation that is a program under the Marcos administration,” wika ni Balisacan.
Kumpiyansa si Senate President Francis Escudero na ang pagpapasa sa mga pangunahing batas ay makatutulong sa ekonomiya at magiging gabay sa socioeconomic transformation sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
“Well, magandang karanasan. Maganda ang naging usapan sa pagitan ng Kongreso, Kamara, at Senado, at gayundin ang Ehekutibo kaugnay sa mga mahahalaga, makabuluhang panukalang batas na kailangan tutukan sa nananatiling 73 araw ng sesyon ng Kamara at ng Senado,” ayon kay Escudero sa isang panayam matapos ang LEDAC meeting.
“At buong pag-asa at paniniwala ko na kaya namin magawa ito,” dagdag na wika ng senador.
Para naman kay House Speaker Martin Romualdez, mataas ang kumpiyansa nila sa bagong liderato ng Senado.
“Siyempre natutuwa po kami kasi sa bagong liderato ng Senado. Lalong tumaas ‘yung [kumpyansa] natin [na] matatapos lahat ‘yung legislative agenda, ng SONA priorities, at saka ng CLA ng ating Presidente, ‘yung Senado at saka ‘yung House,” giit ni Romualdez.
Ang CLA ay nangangahulugang Common Legislative Agenda.
Kabilang naman sa panukalang mga top priority na maipasa bago matapos ang 19th Congress ay ang Reform to Philippine Capital Markets, Archipelagic Sea Lanes Act, Amendments to the Right-of-Way Act, Excise Tax on Single-Use Plastics, Rationalization of the Mining Fiscal Regime, Amendments to the Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), Department of Water Resources, CREATE MORE Act, Amendments to the Foreign Investors’ Long-Term Lease Act, at Amendments to the Rice Tariffication Law (RTL).
Binubuo naman ang ikalawang listahan ng mga prayoridad tulad ng Blue Economy Act, Enterprise-Based Education and Training Framework Act, Amendments to the Universal Health Care Act, Open Access in Data Transmission Act, Waste-to-Energy Bill, Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC), Unified System of Separation, Retirement and Pension of Military and Uniformed Personnel, E-Government Act/E-Governance Act, Amendments to the Agrarian Reform Law, at ang Philippine Immigration Act.
Ang iba pang batas na nasa ‘advanced stages’ ng deliberasyon ay ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, Amendments to the Government Procurement Reform Act, Anti-Financial Accounts Scamming Act, Self-Reliant Defense Posture Revitalization Act, Philippine Maritime Zones Act, Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act, VAT on Digital Services at New Government Auditing Code.
Sa kasalukuyan, mayroong 17 CLA bills ang nilagdaan upang maging ganap na batas mula sa 59 LEDAC CLA bills na ipinanukalang maipasa ngayong 19th Congress. Kris Jose