MANILA, Philippines – Dinukot umano ang isang American national sa Sibuco, Zamboanga del Norte nitong Huwebes ng gabi, ayon sa Police Regional Office 9 (PRO-9) ngayong Biyernes.
“PRO-9 confirmed po na mayroon pong report na ni-lodge sa atin for abduction of an American national na nangyari po around 11 p.m. kagabi po sa isang sitio dito sa Zamboanga del Norte,” ani PRO-9 spokesperson Police Colonel Helen Galvez sa isang interbyu.
Ayon kay Galvez, apat na armadong lalaki na nagpakilalang mga alagad ng batas ang dumukot sa biktima mula sa bahay ng kanyang mga biyenan. Aniya, inaalam pa ng mga awtoridad ang grupo sa likod ng pagdukot.
“Ito nga po nakita natin apat na lalaki na fully armed, nagpakilala na law enforcement sila pero ito po ‘yung tinitignan natin sa imbestigasyon. Wala pa po tayong tinutukoy na grupo o anumang local criminals na nandun sa area,” dagdag pa niya.
Limang buwan nang nasa Pilipinas ang American national, kasal sa isang babaeng Pilipino, sabi ni Galvez.
Wala pang natatanggap na impormasyon ang mga awtoridad sa posibleng ransom o demand kaugnay ng pagkidnap sa American national, dagdag ni Galvez. RNT