MANILA, Philippines – IPINAG-UTOS ni Executive Secretary Lucas Bersamin, araw ng Martes, Agosto 20 ang kanselasyon ng Philippine passport ni Bamban Mayor Alice Guo.
Sa katunayan, ipinag-utos ni Bersamin ang “appropriate action” na gawin para sa kanselasyon ng pasaporte ni Guo at kanyang mga kamag-anak na sina Wesley Guo, Sheila Leal Guo, at Cassandra Li Ong, awtorisadong kinatawan ng sinalakay na POGO raided sa Porac, Pampanga.
Ang memorandum ay ipinalabas ng Department of Foreign Affairs at Department of Justice.
Nauna rito, isiniwalat naman ni Senator Risa Hontiveros na si Guo, kilala rin bilang Chinese citizen Guo Hua Ping, umalis ng Pilipinas noong Hulyo 18 patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Kinumpirma naman ni Immigration spokesperson Dana Sandoval na si Guo ay kasalukuyang nasa Indonesia.
Sinabi pa ni Bersamin na si Guo ay “subject of a Senate arrest order” para sa kanyang paulit-ulit na pagkabigong dumalo sa Senate inquiry ukol sa illegal POGO activities.
Tinukoy din nito ang New Philippine Passport Act.
“The DFA Secretary may cancel a passport in the interest of national security. Under the same law, one of the grounds for the cancellation of a Philippine passport is when the court issues an order for its cancellation as the holder is a fugitive from justice,” ayon kay Bersamin.
Samantala, sa gitna ng ulat, sinabi naman ng legal counsel ni Guo na si Atty. Stephen David, na sinabi sa kanya ni Guo na nananatili pa rin siya sa bansa.
Gayunman, hindi naman makumpirma ng abogado ang impormasyon at walang ideya kung saan ang eksaktong lugar naroon si Guo. Kris Jose