Home OPINION KAPAG GUSTO MARAMING PARAAN, KAPAG AYAW MARAMING DAHILAN

KAPAG GUSTO MARAMING PARAAN, KAPAG AYAW MARAMING DAHILAN

DISMAYADO na, naghihinanakit pa ang mga ordinaryong manggagawa dahil naunsiyami ang pagpapasa ng panukalang batas na umento sa kanilang arawang sahod.

Kung talaga raw kasing gusto ng mga mambabatas na maratipika ang panukalang dagdag sahod, pwede namang ihabol bago magsara ang 19th Congress at magkasundo kung magkano ang dapat na tamang halaga.

Sa ipinasang panukala ng Senado, P100 ang dapat na umento sa sahod ng mga manggagawa habang P200 ang isinusulong ng Kongreso na sa tingin ng mga senador, negosyante, at maging ng mga nasa Ehekutibo ay hindi makatwiran.

Sabi ng mga manggagawa, okey lang naman sa kanila kung hindi pwede ang P200 dahil malaki ang magiging epekto sa pagtaas ng bilihin at posible pang magresulta sa malawakang pagbabawas ng mga kawani ng mga pabrika at kompanya.

Kung magkano lang ang dapat na itaas, yung huwag naman na barya-barya lang na para silang namamalimos, sana raw ay pinagkasunduan at niratipika ng mga mambabatas bago magsara ang kongreso.

Nakadagdag kasi sa pag sintimiyento ng mga manggagawa ang ginawang pagratipika ng dalawang kapulungan ng kongreso sa pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan election at pagpapalawig sa kanilang termino sa halip na pagtuunan muna ng pansin ang umento sa sahod.

Paano nga naman kung i-veto ng Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang niratipikahang batas dahil labag sa Saligang Batas ang pagpapaliban ng BSK election? Eh di nasayang lang ang pagraratipika.

Kinuwestiyon kasi ng batikang election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal ang pagpapaliban sa BSK election na malinaw aniyang labag sa Konstitusyon dahil may inilabas ng mga desisyon kaugnay dito ang Korte Suprema.

Nilinaw ng election lawyer na hindi ang pagpapalawig sa termino ng mga barangay official ang kanyang kinukwestiyon kundi ang pagpapaliban sa halalan.

Sabi ng abogado, magiging sampal sa mga electorate o yung mga maghahalal ang pagpapaliban sa halalan dahil mananatili sa kanilang pwesto ang opisyal ng barangay kahit tapos na dapat ang kanilang termino.

Kung sana raw ay inunang niratipikahan ang umento sa sahod sa halip na pagpapalawig sa termino at pagpapaliban sa BSK election, sana ay mas marami ang matutuwa at makikinabang. Ito ang ipinangako ng mga kumandidatong mambabatas sa mga ginagawa nilang pagdalo sa malalaking event ng barangay bilang paraan ng pangangampanya kaya kailangan nila itong tuparin para hindi sila bweltahan sa susunod na halalan.