
SA nakaraang dalawang linggo, halos P9 bilyong halaga ng droga, karamihan shabu, ang nasabat ng mga mangingisda sa mga lalawigan ng Zambales, Ilocos Sur, Cagayan at iba pa.
Klarong mga epektos ito ng mga Chinese druglord batay sa mga marka ng mga sisidlan nito.
Salamat sa mga mangingisda na naging tapat sa giyera sa droga.
Dapat na sirain kaagad ang mga drogang ito para hindi maburiki ng iskalawag na mga pulis, ahenteng Philippine Drug Enforcement Agency at iba pa.
Utos nga ito mismo ni Pangulong Bongbong Marcos.
Libo-libong buhay-Pinoy sana ang masira dahil sa mga ito.
Pero hindi lang sa karagatan na nasasabat ang mga droga kundi maging sa mga paliparan gaya ng P29.7 milyong shabu sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 kamakailan lang.
Iba pa ang malalaki at maliliit na nasasabat araw-araw mula sa mga tulak kahit saan.
Kung iisipin, magandang performance ng mga awtoridad at mamamayan ang nagaganap.
Pero dapat ding tingnan ang mga pangyayari na totoo ang sinasabi ng mga mamamayan na nagbabalikan ang droga makaraang madurog ang kalakhan nito noong panahon ni ex-Pang. Digong Duterte.
Gaano kalaking bulto kaya ang umiikot sa buong Pinas na hindi nasasabat na dahilan ng pagkasira ng katawan at utak ng mga mamamayan gaya ng mga adik?
Kaugnay nito ang napakaraming krimen gaya ng rape na may pagpatay, patayan ng mga mag-asawa, pagpatay ng ama o ina sa sariling anak, pagnanakaw at holdap, akyat-bahay at iba pa.
Dahil klarong nagkalat ang droga, tiyak na may mga kasabwat ang mga druglord na nagpaparating ng mga droga at pumoprotekta sa kanila, maging sa maliliit na tulak at adik.
Sino-sino kaya ang mga ito?
Mayroon bang mga pulis, politiko, piskal, huwes at iba pa?
Hangga’t hindi nakakanti ang mga ito, mananatili ang problema sa droga na tunay na salot sa sambayanan.